‘P480 kada ulo, ano ba ‘to
UMINGAY kamakailan ang balitang magkakaroon umano ng panibagong bayarin para sa mga biyahero na aabot sa halos P480 kada pasahero pero ayon sa Bureau of Immigration (BI), wala pang pinal na desisyon at wala pang opisyal na pagpapatupad ng singilin.
Nilinaw ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na ang tinatawag na Civil Aviation and Immigration Security Services (CAISS) Project ay panukala pa lamang at hindi pa pirmado o aprubado ng ahensya. Ibig sabihin, wala pang dapat kolektahin na dagdag bayad sa ngayon.
Gayunman, hindi maikakaila na kapag ipinatupad ang anumang dagdag-singil, malaking usapin ito para sa ordinaryong Pilipino. Ang P480 ay hindi biro, lalo na kung pamilya ang bibiyahe. Isang tao pa lang, may dagdag na gastos na agad. Paano pa kung apat o lima ang kasamang bumiyahe? Libo rin ang aabutin.
Ayon sa BI, layunin ng proyekto na palakasin ang seguridad sa mga paliparan at border ng bansa gamit ang makabagong teknolohiya tulad ng biometrics, real-time monitoring, at automated border control systems upang masugpo ang human trafficking, transnational crimes, terorismo, at iba pang banta sa seguridad.
Pero malinaw din ang pahayag ng ahensya: hindi dapat basta-basta ipinapasa sa publiko ang anumang dagdag-gastusin nang walang sapat na pag-aaral at konsultasyon.
Sa gitna ng mataas na presyo ng bilihin, pamasahe, at iba pang pang-araw-araw na gastusin, natural lamang na magtanong ang taumbayan bakit na naman sila ang sasalo ng panibagong singilin?
Kaya bago magkaroon ng anumang dagdag-bayad, dapat malinaw sa publiko kung saan mapupunta ang pera, ano ang magiging benepisyo nito, at kung talagang sulit ba ang bawat sentimong kukunin sa bulsa ng mga biyahero.
Seguridad ang kailangan ng bansa, pero hindi dapat maging dahilan ito para basta na lamang magdagdag ng pasanin sa mga mamamayang pilit nang pinagkakasya ang kanilang kinikita araw-araw.
Disclaimer: Ang artikulong ito ay batay sa opisyal na pahayag ng Bureau of Immigration. Sa kasalukuyan, wala pang pinal na pag-apruba o pagpapatupad ng nasabing panukalang bayarin at maaari pa itong sumailalim sa karagdagang pag-aaral at konsultasyon.
- Latest


















