[Inihayag sa Liwasang Bonifacio, Maynila, noong ika-12 ng Hunyo 2013]
Magandang umaga po. Maraming salamat. Maupo ho tayo.
Secretary Albert del Rosario; excellencies of the Diplomatic Corps; Secretary Voltaire Gazmin; Secretary Mar Roxas; Secretary Joel Villanueva; Chairman Francis Tolentino; Chairperson Maris Diokno; Mayor Alfredo Lim; Mr. Cesar Sariño; Postmaster General Josefina Josie dela Cruz; members of the House of Representatives and local chiefs present; the Chief of Staff, General Manny Bautista; Police Director General Alan Purisima; our service commanders, Lt. Gen. Larry dela Cruz; Vice Admiral Alano; Lt. Gen. Noel Coballes; Rear Admiral Rodolfo Isorena of the Philippine Coast Guard; our Medal of Valor awardees present: Col. Custodio Falcon and Col. Bartolome Bacaro; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan:
Talagang isang malaya at magandang umaga po sa inyong lahat.
Ngayong umaga, sama-sama nating tinunghayan ang pagtataas ng bandila dito sa Liwasang Bonifacio, para sa isandaan at labinlimang anibersaryo ng proklamasyon ng kalayaan, sa harap ng rebulto ng Supremo ng Katipunan. Maliwanag po ang pahiwatig ng kanyang tindig: Karangalan ang magtaya ng buhay para sa bayan; taas-noo nating maipagmamalaki ang mga naiambag natin para sa kalayaan. Kasabay nito, tila mapanghamon din ang titig ni Bonifacio. Tila ang sinasabi: Ikaw, Pilipino, ano na ang nagawa mo para sa bandila at kapwa mo?
Lumipas na ang panahon ng pag-aaklas laban sa paniniil ng mga mananakop: ginawa na ito nila Rizal at Bonifacio, ng mga Katipunero at iba pang bayaning Pilipino. Ginawa nila ito dahil mulat silang walang ibang magtatanggol sa ating karapatan; walang ibang magsusulong para sa kinabukasan ng ating bayan; walang ibang magtutulak para sa ating ganap na kalayaan, kundi tayo ring mga Pilipino. Wala nang iba. Salamat sa kanila, isandaan at labinlimang taon na nating ipinapahayag sa mundo na tayo’y isang bansang malaya.
Habang nagbabalik-tanaw at binibigyang halaga natin ang ating kasarinlan, mulat ang pamahalaan sa tungkulin nitong pangalagaan ang kalayaang ito. Kaya naman naninindigan tayo para sa ating mga karapatan bilang bansang may sariling soberanya, bilang bayang nagbuwis na ng buhay para sa kalayaan, bilang Pilipinas na may sariling bandila na kapantay ng lahat.
Malinaw po: habang may responsibilidad ang estado na ipagtanggol ang bayan, tungkulin din nating tutukan ang mga pangunahing pangangailangan ng taumbayan.
Ang kailangan natin: masusing pagpaplano, sa halip na padalus-dalos na desisyon. Ang bunga nito: makabuluhang solusyon na tumutugon sa mismong problema. Kaya nga nakapagpatayo na tayo ng 21,800 na tahanan para sa para sa ating mga sundalo at pulis. Halos 14,000 na po ang natatapos na bahay para sa Phase 2, na aabot sa 31,200 pagdating ng Hulyo. Pitumpu’t limang bilyong pisong pondo rin ang mailalaan natin sa Tanggulang Pambansa sa susunod na limang taon dahil sa pagsasabatas ng New AFP Modernization Act. Sa katunayan, bago pa man maipasa ito, sa loob lamang ng isang taon at pitong buwan, halos pantayan ng mahigit dalawampu’t walong bilyong piso na inilaan natin para sa AFP Modernization Program, ang tatlumpu’t tatlong bilyong pisong pondo na nailagak sa nasabing programa sa nakalipas na tatlong administrasyon. Ganyan ang tutok natin: hindi lamang para sa modernisasyon ng ating tanggulan, kundi para rin maitaas ang dangal at moral ng ating mga kawal.
Kailangan nating timbangin ang ating mga hakbang ukol sa mga usaping ito. Habang iginigiit natin ang ating karapatan, kailangan din nating ipakita ang tunay na katangian ng mga Pilipino: Wala sa lahi natin ang pagiging agresibo, pero hindi rin tayo titiklop sa anumang hamon. At habang naninindigan tayo para sa ating mga karapatan, at nakikipag-ugnayan sa lahat ng panig upang maghari ang hinahon at pagkakaunawaan, kailangan din nating iangat ang kakayahan ng ating Sandatahang Lakas. Kasabay nito, kailangan din nating isaalang-alang ang kapakanan ng milyun-milyong Pilipinong maaaring maapektuhan ng ating mga desisyon bilang pinuno.
Wala naman tayong ibang pakay kundi ang pangalagaan ang tunay na sa atin. Hindi natin tinatapakan ang karapatan ng iba. Hindi natin inaangkin o sinasaklaw ang teritoryong malinaw namang nasa bakod ng iba. Wala tayong minamaliit, wala tayong inaapi. Wala sa kasaysayan natin ang manakit, o gumawa ng anumang hakbang para magtanim ng sama ng loob ang ibang bansa sa atin. Hindi kailanman naging polisiya ng Pilipinas ang manlamang sa ibang bansa. Kung may di-pagkakasunduan, saksi ang mundo sa kahandaan nating umupo at makipagdayalogo sa mapayapang paraan. Wala tayong ibang hinihingi kundi ang igalang ang ating teritoryo, karapatan, at pagkatao, tulad ng paggalang natin sa teritoryo, karapatan, at pagkatao ng ibang lahi. Ginagawa natin ito dahil mulat tayong ito ang susi upang mapanatili ang stabilidad, at nang sa gayon ay magpatuloy ang pagtungo sa malawakan at pangmatagalang kaunlaran, hindi lamang sa loob ng ating bansa, kundi sa ating rehiyon, at maging sa buong daigdig.
Si Andres Bonifacio na mismo ang nagsabi, “Itinuturo ng katwiran na tayo’y magkaisang-loob, magkaisang-isip at nang tayo’y magkalakas na maihanap ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan. Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan; panahon ng dapat nating ipakilala na tayo’y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya, at may pagdadamayan.â€
Malinaw ang nais ipabatid ni Gat Andres Bonifacio. Ayon sa kanya, umabot ng mahigit tatlondaang taon bago nagpasyang magkaisa at matagumpay na nag-alsa ang mga Pilipino laban sa mga Kastila. Huwag sana tayong maghintay pa ng tatlondaang taon, o ng tatlong dekada, o kahit ng tatlong taon, bago tayo magpasyang magbuklod para maging malaya tayo mula sa gutom, kahirapan, o anumang banta sa ating soberenya’t seguridad. Hindi tama na mapahaba pa ang pagtitiis ng mga Pilipino ni isang minuto. Kung pwede lang sana, kahapon pa ito nagawa. Pero dahil imposible nang mangyari ito, gawin na natin ito ngayon. Ngayon na mismo ang panahon para tayo’y magkaisang-loob, magkaisang-isip, at magkaisang-tinig. Ngayon na mismo ang panahon upang ialay ang ating oras at lakas. Ngayon na mismo ang panahon upang isang bansa tayong kumilos para sa katuparan ng mga kolektibong hangarin natin para sa Inang Bayan. Alam kong magagawa natin ito, dahil lahi tayo ng mga bayani, at oras na tanungin tayo ni Jose Rizal, o ni Bonifacio, ni Ninoy, o ni Cory, at itanong “Pilipino, ano ang nagawa mo para sa bandila at kapwa mo,†maaari natin silang titigan, mata sa mata, at sabihing “Narito ang mga inambag ko sa aking bayan, at ibinuhos ko ang aking buong puso’t kaluluwa upang mapabuti ang kanyang kalagayan.â€
Muli, maraming salamat po. Isang makabuluhang Araw ng Kalayaan sa atin pong lahat.