NU inangkin ang Cheerdance title
MANILA, Philippines — Bumalik sa pedestal ang National University Pep Squad matapos tanghaling kampeon sa katatapos na UAAP Season 87 Cheerdance Competition na ginanap sa SM Mall of Asia Arena, kahapon.
Sinaksihan ng mahigit na 19,121 fans, ipinakita ng NU ang kanilang tikas sa routine at kumpiyansa sa paghagis ng kanilang mga dancers sa ere upang makalikom ng 713 points at ikahon ang pang-walong korona.
Nakopo ng Adamson University Pep Squad ang second place sa nalikom ng 679.5 points habang third ang pinatalsik sa trono na Far Eastern University sa inilistang 650 points.
Dahil sa panalo, natablahan ng Bulldogs ang University of the Philippines Pep Squad at University of Sto. Tomas Salinggawi Dance Troupe sa pinakamaraming inuwing titulo sa nasabing event.
Sinimulan ng NU Pep Squad ang kanilang performance na naka astronaut costumes bago naging parang mga aliens pero tumatak sa mga hurado ang mga miyembro nilang umiikot sa ere.
Nasilo ng Bulldogs ang premyong P50,000 mula sa UAAP at karagdagang P50,000 na galing sa Dunkin Donuts.
Lumanding sa No. 4 ang University of the East na gumamit ng Sexbomb theme, (641pts.), fifth ang Batang 90s ng UST (634.5 pts.), pang-anim ang UP (560 pts.), pang-pito ang DLSU (525 pts.) at eighth place ang Ateneo.
- Latest