Dear Dr. Love,
Sariwang pagbati po sa inyo at sa lahat ng tagatangkilik nang malaganap ninyong column.
Ako po si Eduard D. Agnes, 51 taong gulang at isang biyudo. Apat na taon nang sumakabilang buhay ang aking asawa, ginugugol ko ang oras ko sa pagtataguyod sa naiwan naming apat na anak. Nakatapos at may trabaho na ang dalawa kaya sila na ang sumusuporta sa nag-aaral pang mga kapatid.
Malungkot po pala ang maiwanan ng asawa, Dr. Love. Nabuhayan lang ako nang mabasa ko ang liham sa inyo ni Monina noong Pebro 18, 2012. Pareho kami ng sitwasyon kaya may pakiramdam ako na magkakapalagayan kami ng loob.
Ngayon ko naisip na tama ang aking mga kaibigan, kailangan ko ang isang babaeng mamahalin at magmamahal din sa akin.
Sana po, mabasa ito ni Monina magkaroon kami ng pagkakataon na makilala pa ang bawat isa. Ito po ang aking contact number 09085505065 sakaling intresado siya.
Maraming salamat po at mabuhay kayo sa ginagawa ninyong pagtulong sa mga tulad kong malungkot ang buhay.
Gumagalang,
Eduard Agnes
Dear Eduard,
Hindi lang malungkot, kundi mahirap din ang mamuhay nang mag-isa. At dahil sa iyong kalagayan, wala akong nakikitang magiging problema. Gayunman, para mas makatiyak ka, subukan mo na hingin ang opinyon ng iyong mga anak tungkol sa posibilidad na ma-in love ka uli.
Dahil naniniwala akong mas magiging maligaya ang pagmamahalan kung walang sino man ang nasasaktan.
Well, good luck for you at sana nga ay mabasa ni Monina ang sulat mo. God bless you!
Dr. Love