Dear Dr. Love,
Nabasa ko sa isyu ng Dr. Love noong October 30 ang tungkol kay Bernardo na ang girlfriend ay nagpakasal sa iba. Naka-relate po ako sa kanya.
May boyfriend ako pero sa text lang kami nagkakaugnay sa loob ng pitong taon. Kahit ganoon na hindi kami nagkita, minahal ko siya nang husto. Nasa USA na po siya nang ireto sa akin ng isang kaibigan.
Sa text lang at Fecebook kami nagkakaugnayan at ramdam kong mahal niya rin ako.
Pero sa mahabang panahon nang paghihintay, dumalang ang komunikasyon niya sa akin. Nasaktan ako. Hanggang nang makipag-ugnayan siya sa akin ay sinabi niyang nakikipag-break na siya dahil ikakasal na siya sa ibang babae.
Nasaktan ako dahil pinaghintay ako nang ganun katagal. Thirty-seven years old na ako ngayon at gusto ko sanang makilala si Bernardo. Sana’y matulungan ninyo ako.
Jem
Dear Jem,
Umaasa akong mababasa ito ni Bernardo dahil hindi siya nag-iwan ng address sa kanyang sulat at hindi ko alam kung paano siya makokontak.
Pambihira ang kasaysayan mo. Nagtagal ng pitong taon ang isang long distance love affair! Nakilala mo sa text, tapos ang ugnayan niyo ay sa text lang at Facebook. Grabe!
Sana’y nakapag-iwan ito ng aral sa iyo. Mahirap umasa sa isang relasyon na walang katiyakan. Masyado mong ibinuhos ang maraming taon ng iyong buhay sa isang kasintahang tulad lang ng isang “multo.”
Dalangin ko na makatagpo ka ng isang kasintahan na mamahalin mo at magmamahal sa iyo ng tunay at higit sa lahat, ‘yung nakikita mo ng aktuwal at nahihipo.
Dr. Love