Blessing in disguise

Dear Dr. Love,

Isang magandang araw po sa inyo at sa lahat­ ­ninyong kasamahan sa PSN.

Tatlumpu’t dalawang taong gulang po ako at sa kabila ng kasalukuyan kong kalagayan, nagawa kong makapagpatuloy ng pag-aaral dito sa loob at isa na ako ngayong teacher.

Nakulong po ako matapos pagnakawan ang aking­ amo para sa pampaopera ng aking lola. Kapit sa patalim ika nga. Malaki ang utang na loob ko sa aking lola. Siya ang pinuntahan ko noon sa Maynila, nag-aruga at nagpa-aral nang maglayas ako sa aming bahay para makaiwas sa kalupitan ng aking ama. Nasa first year college na ako sa ilalim ng pag-aaruga ng lola nang maisipan kong maging working student para makatulong sa kanya. Namasukan ako bilang waiter malapit lang sa bahay ng aking lola.

Dito ko nakilala si May, isang kasamahan ko sa trabaho. Naging malapit kaming magkaibigan. Hanggang sa hindi ko na mapigilan ang sarili na ipagtapat sa kanya ang aking damdamin at tinugon naman niya ito ng pagmamahal.

Ang akala ko, walang katapusan na ang kaligayahan naming dalawa hanggang mangyari nga ang pagkakasakit ng aking lola. Naaresto ako.  Dalawang ulit akong binisita ni May sa kulungan. Ang sumunod ay namaalam siya dahil dadalhin na raw siya ng kanyang mga magulang sa probinsiya para ilayo sa akin. Nabatid daw ng mga ito ang aking ginawa at ang aking pagkakakulong. Mula noon, hindi ko na nga nakita si May. Wala na rin akong balita tungkol sa kanya. Pero hanggang ngayon, siya pa rin ang babaeng mina­mahal ko.

Payuhan mo po ako kung ano ang gagawin ko. Hindi ko po talaga malimutan si May.  Nagtuturo na po ako sa elementarya. Umaasa akong sa paglaya ko, ito ay makakatulong sa akin ng malaki para makapagpasimula uli ng bagong buhay.

Hanggang dito na lang po at hangad ko po ang patuloy na pagtatagumpay ng inyong column na nakakatulong ng malaki sa isang bilanggong tulad ko. Ito po ang nagbibigay sa akin ng lakas ng loob para harapin ang mga hamon ng buhay.

Gumagalang,

Razel Parahinog

Student Dorm 4-B YRC

MSC Camp Sampaguita

Muntinlupa City 1776

 

Dear Razel,

Nakulong ka dahil sa pagkakasala sa batas. Pero mistulang blessing in disguise na maituturin ang bahagi ito ng iyong buhay. Dahil nakapagtapos ka at ngayon ay may marangal na estado sa buhay, bilang isang guro.    

Magpatuloy ka lang sa iyong pagpapakabuti at natitiyak ko na malapit mo nang mapasakamay ang katuparan ng bawat mong pangarap. Kabilang na ang babaeng makakasama mo habang buhay.

Dr. Love

Show comments