Dear Dr. Love,
Masaganang pangungumusta po!
Bata pa po ako, mayroon na akong crush sa aking kababatang si Danny. Pero may iba siyang gusto si Mira, kaklase namin na siya niyang niligawan. Naging sila pero hindi nagtagal dahil lumuwas ng Maynila si Mira para magpatuloy ng pag-aaral. Kami ni Danny ay nagpatuloy sa local na paaralan.
Muntik na nga akong matigil sa pag-aaral kundi lang nagmagandang-loob ang tatay ni Danny na kaibigan ng aking itay at pautangin siya ng pang-abono para makapagtanim.
Ang hindi ko alam, ang dalawang magkaibigan ay may usapan na kami ni Danny ay magpapakasal sa sandaling matapos na ng pag-aaral. Akala nila ay nanliligaw si Danny o kundi man ay magkasintahan na kami. Pero sa kaibuturan ng puso ko, lihim kong idinadalangin na sana nga ay manligaw sa akin si Danny.
Ngunit kung ako man ay may nararamdamang pagtingin sa aking kababata, hindi ko naman gustong mapilitan siyang manligaw sa akin dahil sa kasunduan ng aming matatanda.
Ano po ang dapat kong gawin? Hindi ko gustong mapilitan lang si Danny na makipagkasundo sa akin dahil sa usapan ng aming mga magulang. Pero kilala ko siya, hindi niya gustong mapahiya ang pamilya sa usapang ito. Payuhan mo po ako. Dapat bang magsawalang kibo na lang ako?
Maraming salamat po at sana mabigyan ninyo ako ng tamang payo.
Sofia
Dear Sofia,
Moderno na ngayon ang ligawan at bihira na lang ang pagpapakasal sa pamamagitan ng kasunduan ng mga magulang. Hindi nga makatarungan para kay Danny na makipagrelasyon sa iyo dahil sa pambubuyo ng kanyang magulang, gayundin naman ikaw sa kanya.
Ipagtapat mo ito sa iyong ama para makaiwas siya sa kahihiyan kung si Danny mismo ang siyang gagawa ng hakbang para makaiwas sa pambubuyo naman ng kanyang ama.
Bagaman type mo si Danny, hindi mo naman nanaisin na magkaroon ng isang asawa na walang pagtingin sa iyo o napilitan lang dahil sa salita ng isang ama. Kung ayaw magsalita ni Danny, ikaw na ang magkusang makipag-usap sa kanya hinggil sa usapang ito ng inyong mga ama.
Dr. Love