Hindi tutulad kay tatay

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong si Benjie, isang ama ng tahanan at isang empleyado ng janitorial services sa Metro Manila.

Nais ko pong ibahagi ang pangyayari sa aming pamilya. Labing-pitong taong gulang pa lamang ako nang iwanan kaming pitong magkakapatid ng aming tatay at solong itinaguyod ng aming inay.

Hindi na raw niya matagalan ang pagkabu­ngangera ng aking inay kaya nag-asawa uli siya at nagkaanak ng tatlo. Nagkasakit at namatay ang babae. Nagkaroon uli si tatay ng pangatlo at isa ang naging anak nila bago ginupo ng sakit ang aking ama.

Bilang panganay, inalam ko ang kalagayan ni tatay. Humingi siya ng tawad sa akin. Hindi ko rin naman naitago ang hinanakit ko sa kanya. Naging dehado man kaming magkakapatid, inako pa rin naming magkakapatid ang hospitalization at bayad sa funeral parlor nang pumanaw siya.

Hindi ko naman masisisi ang aking ina nang tikisin niya maging ang mga huling sandali ng aking ama. Dahil naapi siya ng husto. Pero sa tingin ko, mahal niya pa rin si tatay.    

Sa ngayon, alagang-alaga ko si nanay. Dahil unawa ko ang naging damdamin niya noon, lalo pa’t may sarili na akong pamilya. Hindi ko tu­tu­laran ang aking ama.

Maraming salamat po at more power to you.

Benjie ng Tondo

 

Dear Benjie,

Humahanga ako sa inyong magkakapatid, lalo na sa naging pagpupunyagi ng inyong ina.  Hangad ng pitak na ito ang pamamayani ng pagpapatawad sa inyong mga puso, gayundin ang kaligayahan ng inyong pamilya.

Dr. Love

Show comments