Dear Dr. Love,
Isang masaganang pagbati sa inyo at sa lahat ng masusugid na mambabasa ng Pilipino Star Ngayon. Lumiham po ako para maibahagi ang kuwento ng pagkaunsiyami ng aking pag-ibig.
Nagsimula ang lahat nang magkamali ako ng desisyon sa buhay at makadisgrasya ng isang tao nang hindi sinasadya. Dahil sa kamaliang ito sa buhay, nagkahiwalay kami ng aking dating live-in partner. Tatlo po ang aming anak.
Nahihirapan na po ako at minsang sinubukan nang magpatiwakal. Pero ngayon ay pinagsisisihan ko ang lahat at inihain ang buhay ko sa Diyos. Ngayon ay nakapiit pa rin ako sa Navotas City Jail, matatapos na ang aking kaso. Hindi ko lang po alam kung ano ang magiging hatol sa akin ng korte. Pagkatapos nito, hindi ko rin po alam kung saan ako magsisimula uli.
Nais kong magkaroon ng mga kaibigan kaya sana mailathala ninyo ang liham kong ito. Maraming salamat po at more power to you.
Rudy Gonzales Jr.
Navotas City Jail
Navotas, Metro Manila
Dear Rudy,
Hindi pa huli ang pagbabago. Magtiwala ka sa Panginoon para makabangon sa kinalugmukang buhay. Pagsilbihan mo ang hatol sa iyo ng korte at sikapin na mapaganda ang record mo sa piitan para maging kuwalipikado ka sa parole at commutation of sentence. Sa sandaling makalabas ka na, saka mo na lang alamin kung nasaan na ang iyong mga anak.
Dr. Love