Dear Dr. Love,
Una sa lahat, bumabati ako sa iyo at sa lahat ng mga sumusubaybay ng iyong tanyag na kolum. Ako po si Mrs. Robles (huwag mo nang banggitin ang buo kong pangalan please), 47-anyos at may problema sa kaisa-isa kong anak na babae. Masyadong liberated ang anak ko.
Matagal ko na siyang pinagsasabihan sa pagkakaroon niya ng maraming boyfriends pero hindi ko siya maawat. Pabaya rin siya sa kanyang pag-aaral at ang inuuna’y gimmick kasama ang mga kabarkada niya.
Biyuda na po ako sa buhay. Ibig sabihin, hiniwalayan ako ng mister ko five years ago at sumama sa iba.
Nabubuhay lang kami sa kaunti kong negosyo. Gusto ko sanang makapagtapos nang matiwasay ang anak ko dahil karunungan lang ang maipamamana ko sa kanya. Hindi na rin kami tumatanggap ng sustento sa kanyang ama.
Pinalaki ko naman nang maayos ang anak ko dangan nga lamang at hiwalay ako sa asawa. Paano ko siya maaawat sa hindi maganda niyang ginagawa? Masyado na akong problemado sa anak ko, Dr. Love. Sana’y matulungan mo ako.
Mrs. Robles
Dear Mrs. Robles,
Hiwalay ka man sa asawa, may pananagutan ang iyong mister sa pag-aaruga sa inyong anak. Anak din niya iyan at dapat niyang pagmalasakitan.
Kung naliligaw ng landas ang inyong anak, malaki ang kinalaman ng iyong asawa. Marahil nagkakaroon ng rebellious spirit ang inyong anak dahil sa ginawa niyang pag-abandona sa inyo. Kung tutuusin, puwede kang maghabol ng sustento sa mister mo. Magagawa mo iyan dahil may karapatan kang legal.
Kausapin mo ang iyong asawa at ilahad mo ang problemang dapat magkaroon siya ng partisipasyon sa paglutas imbes na maging bahagi nito.
Dr. Love