Naligaw ng landas

Dear Dr. Love,

Isa pong mapagpalang araw sa inyong lahat diyan sa malaganap ninyong pasulatan, lalo na po sa inyo.

Nawa po sa pagtanggap ninyo ng aking sulat na ito ay lagi kayong patnubayan ng ating Poong Maykapal.

Isa po ako sa masugid na tagasubaybay ng inyong pahayagan kaya naglakas-loob akong lumiham sa iyo para mailathala ninyo ang kasaysayan ng buhay ko at mabigyan ng kaukulang payo.

Sana po, huwag ninyong biguin ang hiling kong ito.

Tawagin na lang po ninyo ako sa pangalang Benjie Omaguing, 23-years old at kasalukuyang nakapiit dito sa pambansang bilangguan.

Nakulong po ako sa salang pagpatay pero ang masasabi ko, alam ng Diyos na wala akong kasalanan.

Isa pong taktika ang aking ginawa dahil noong panahong iyon ay nasa panganib ang aking tatay. Hindi ko po inaasahan na mangyayari sa buhay ko ang ganitong kalagayan.

Sa edad na 18-anyos, naranasan ko na po ang hirap ng buhay bilang isang bilanggo. Sa totoo lang po, kung mayroon lang sana kaming sapat na kakayahan upang maipaglaban ang kaso ko ay hindi ko sasapitin ang ganitong kalagayan.

Pero wala po kaming kaya. Kaya nandito ako ngayon sa loob.

Sa totoo lang po, naiinggit ako sa mga taong tinulungan mo na magkaroon ng mga dalaw sa pamamagitan ng Dr. Love.

Kaya naman po ako ay nahikayat na sumulat at magbakasakaling mapagtuunan ng pansin ang kuwento ng aking buhay.

Huwag po kayong mag-alala dahil hindi po ako magbabago ng pagsubaybay sa inyong column at sa malaganap ninyong pahayagan.

Umaasa po ako na mabibigyang-pansin ninyo ang aking kasaysayan.

Lubos na umaasa at nagpapasalamat,

Benjie Omaguing


Bldg. 2 Dorm 232,

Student Dormitory,

M.S.C., Camp Sampaguita,

Muntinlupa City 1776


Dear Benjie,


Salamat sa liham mo at sana, ipagpatuloy mo nga ang pagbabasa ng aming pahayagan na kapupulutan ng mga makabuluhang balita at aral sa buhay.

Hindi ko lubos na maunawaan ang tunay na dahilan ng pagkakakulong mo pero nabanggit mo sa liham mo na ikaw ay isang naligaw ng landas.

Sinabi mong biktima ka ng kahirapan kaya nadiin ka sa kaso at dahil hindi naidepensa nang husto ang panig mo.

Anyway, natutuwa naman ang pitak na ito at kahit ka nariyan sa loob ay nagpapatuloy ka ng pag-aaral.

Sana, tototohanin mo na ang pagbabago mo sa buhay para kung lumaya ka ay hindi ka mahihirapang maghanap ng trabaho.

Ganap din ang tiwala ng pitak na ito na kung anuman ang dinanas mong kalungkutan at paghihirap ng kalooban diyan sa loob ay hindi ito magiging daan para ganap mong talikuran ang lipunan at bumalik ka sa dating gawi sa sandaling lumaya ka na.

Ipagpatuloy mo ang pagbabago sa sarili at huwag mong kalilimutang manalangin para higit na tumatag ang kalooban laban sa tukso at hindi mabuting gawain.

Hangad namin ang maaga mong paglaya.

Dr. Love

Show comments