Tawagin mo na lang akong Iza, 47-anyos at sabihin mo nang isang inang labis na nagmamahal sa kaisa-isang anak.
Ang anak kong si Maricris ay 24-anyos na at may matatag na trabaho. Pero ang pakiramdam koy siya pa rin ang baby ko na dapat protektahan at alagaan ng aking pagmamahal.
Madalas ngay pinupuna ng aking mister ang labis kong pangangalaga sa anak kong ito. Sabi niya, nasa wastong edad na ang aming anak at hindi dapat ituring na isang batang paslit.
Ngunit dumating ang panahong nagpaalam ang anak ko sa akin. Mag-aasawa na raw siya. Kinagalitan ko siya at napagtaasan ng boses. Nang dalhin niya sa bahay para ipakilala ang kanyang boyfriend, hindi ako lumabas ng kuwarto.
Ayaw kong mag-asawa siya. Parang hindi ko matatanggap na mawawala na ang aking baby sa aking piling. Hangga ngayoy umiiyak ako sa aking pag-iisa kapag naiisip kong mag-aasawa na ang aking anak. Ano ang gagawin ko?
Izza
Dear Izza,
Ang buhay ay isang cycle. Ikaw man ay nagdaan sa pagka-baby na inaruga ng iyong magulang. Pero pinigilan ka ba nila nang ikaw ay mag-asawa?
Kasi alam ng mga magulang na ang tungkulin at pananagutan sa isang anak ay hindi pangwalang-hanggan. Nasa wastong edad na ang iyong anak at hindi habambuhay ay alagain mo siya. Bayaan mo siyang magkaroon ng sariling pamilya.
Makikita mo, kapag nagkaanak na siya ay lalo mong mamahalin ang iyong mga apo. Sabi nga, ang mga apo ang "interes sa puhunan."
Dr. Love