Matagal na po akong nagbabasa ng inyong column at tunay na nasisiyahan ako sa mga payong ibinibigay ninyo sa inyong mga letter senders. Dito ako nakakapulot ng magagandang aral base sa tunay na kalakaran ng buhay.
Ang problema ko pong idudulog sa inyo ay mababaw lang naman. Mayroon po akong matagal nang crush na nakababata sa akin at kapitbahay namin. Pero hanggang pakikipagkaibigan lang ang damdam kong nararamdaman niya para sa akin.
Magkaibigan ang aming pamilya. Malimit siyang nakikipagkuwentuhan sa akin kahit hanggang ngayon. Pero sa tinagal-tagal na nang panahong ganito nang ganito ang turingan namin sa isat isa, ni hindi man lang niya nasasabi sa akin na mayroon din siyang nararamdaman para sa akin.
Palagi pa nga niya akong binubuska sa mga kilala niyang manliligaw ko.
Sinasabi rin naman niya sa akin ang mga babaeng nililigawan daw niya pero hindi niya masungkit ang matamis na oo ng mga ito.
Sa tingin po ba ninyo, may maasahan akong pag-asa na balang araw, mapapansin din niya ako?
Lubos na umaasa,
Fely
Dear Fely,
Hindi masama ang mangarap at umasa pero kung hindi ka naiinip, pagtiyagaan mo siyang kaibiganin at paamuin. Pero kung sa tingin mo, talagang hindi ka niya type kundi pakikipagkaibigan lang ang turing sa iyo, huwag ka nang magpilit. Baka masaktan ka lang.
Alamin mo kung may pagkakataon na mayroon din siyang kinikimkim na pagmamahal sa iyo kung masasagot mo ang sumusunod na tanong nang oo.
Maging matapat ka sa sarili mo para hindi ka magkamali.
1. Nagsisikap ba siyang maging guwapo sa paningin mo?
2. Ayaw ba niyang masaktan ang damdamin mo?
3. Pinipilit ba niyang maipakita sa iyo ang kanyang magagandang katangian para makatawag siya ng pansin?
4. Nagseselos ba siya kung nakikita niyang may nanliligaw sa iyong iba?
5. Binibigyan ka ba niya ng espesyal na atensiyon at sinasabi niyang na-miss ka niya kung matagal kayong hindi nagkita?
Kung oo ang kasagutan sa mga ito, baka mayroon siyang lihim na pagtingin sa iyo.
Kung hindi, wala ka nang magagawa kundi tanggapin ang katotohanang hindi ka niya type at ibaling mo na sa iba ang iyong pansin.
Dr. Love