Pagkaraang madapa

Dear Dr. Love,

Isa po ako sa libu-libo ninyong tagahanga at mambabasa ng malaganap ninyong pahayagan, ang PSN.

Ngayong Bagong Taon, ipinangako ko sa aking sarili na kakalimutan ko na ang lahat ng mga kasawian ko sa buhay at haharapin ang taon nang may bagong pag-asa.

Hindi po ninyo naitatanong, isa po akong dalagang-ina at ang anak ko ay tatlong taon na ngayon.

Anak ko po si Lilac sa una kong kasintahan na nagpakalayo-layo matapos malamang nagbunga ang aming kapusukan.

Pinagsisisihan ko na po ang pagiging mapusok at lubos na pagiging tiwala sa lalaking nagpatibok ng aking puso.

Ang problema ko ngayon, sa dala kong lumuha lang uli, isinara ko na ang aking mga mata sa tawag ng pag-ibig.

Kahit naman po isa akong dalagang-ina, marami pa rin ang nagkakagusto sa akin. Ang hindi ko lang alam ay kung ako talaga ang gusto nila o ang maganda kong katayuan sa buhay.

May kaya rin ang lumayo kong kasintahan. Kaya naman nakaya ng kanyang pamilyang papagpatuluyin siya ng pag-aaral sa abroad. Wala na akong balita sa kanya.

Galit ang mga magulang ko sa kanya at maging sa pamilya niya.

Alam kong tinangka ng mga magulang ng bf ko na kausapin ang pamilya ko sa nangyari pero binara sila ng Papa ko.

Kahit papaano, ang hindi ko maunawaan ay kung bakit hindi ko pa rin makalimutan ang nobyo ko, ang ama ng aking tatlong taong-gulang na anak.

Isa kaya itong kabaliwan pagkaraan ng ginawa niya sa akin?Regards to you and more power.

Jen


Dear Jen,


Medyo malabo ang naging dahilan ng nobyo mo kung bakit tinalikuran niya ang responsibilidad niya sa iyo at sa inyong naging anak.

Maaaring hindi pa siya handa sa pagpapamilya at hindi pa nakakatapos ng pag-aaral. Hindi ba siya nagtangkang magpaliwanag sa iyo?

Anyway, mababaw ang pagmamahal niya sa iyo kaya niya nagawa ang tumalikod sa iyo sa isang panahong kailangan mo siya.

Pagkaraan ng tatlong taon, maaaring bumalik pa rin siya sa iyo dahil sa inyong anak. Ito marahil ay kung handa na siyang magpamilya at kung talagang mahal ka pa rin niya.

Kapain mo pa rin ang sarili at imulat ang mga mata sa katotohanang kahit ganyan ang ginawa ng bf mo, hahanapin pa rin siya ng anak mo. Iyan ang paghandaan mo sa ngayon.

Hangad namin ang kaligayahan mo at sana ay maging tama ang gagawin mong desisyon. Dr. Love

Show comments