Matagal na bangungot

Dear Dr. Love,

Hello! Sana po sa pagbasa n’yo ng liham na ito ay nasa mabuti kayong kalagayan. Alam kong ito rin ang patuloy n’yong hangad sa libu-libo ninyong mambabasa at tagahanga.

Ako po ay malapit ng mag-30-anyos. Maaari ninyong masabi na nasa husto na akong pag-iisip at matatag na ang mga desisyon ko sa buhay.

Pero alam kong mas matutulungan pa ninyo ako dahil may pagka-seryoso ang aking problema.

Dalaga pa po ako pero matagal akong nagkaroon ng boyfriend na kung ituring ako ay parang asawa na niya.

Ang problema nga lang, mayroon na siyang pananagutan sa buhay at alam kong hindi lang ako ang kanyang pinaibig bukod sa kanyang asawa.

Pareho kaming may trabaho at kung tutuusin, matagal na rin niya akong niyayang magsama na sa iisang bubong. Pero hindi ko magawa ito dahil sa aking pamilya.

Ang pangako ni Tony sa akin, maghaharap siya ng marriage annulment at magpapakasal kami dahil wala ngang diborsiyo sa Pilipinas.

Ang katotohanang ito ang siyang nakakapigil sa akin para magsama na kaming tuluyan ni Tony.

Ganito ang aming sitwasyon sa loob ng nakalipas na anim na taon. Ang hindi nga lang alam ay kung bakit hindi ko siya mahiwalayan. Ang akala ko noon ay dahil mahal na mahal ko siya. Pero kahit na ganito ang sitwasyon, nagtiyaga ako, nag-aalaga kung mayroon siyang sakit at kahit na alam kong dinadalaw pa rin niya ang kanyang asawa at mga anak.

Ang aking gusto sana ay malagay na kami sa tahimik, magkaroon ng sariling mga anak at mabuhay na mapayapa.

Hanggang sa may makilala akong isang dayuhan. Dinadalaw niya ako sa bahay at nagpakilala sa aking mga magulang.

Sinabi niyang handa niya akong pakasalan kahit anong oras at araw kung papayag ako. Alam niya ang aking relasyon sa may asawang bf. Pero hindi ito naging dahilan para hindi ihinto ang panliligaw.

At nahulog nga ang loob ko sa kanya. Tinanggap ko ang kanyang alok na kasal.

Ipinagtapat ko ito kay Tony, pero ayaw niya akong pakawalan. Kahit alam niyang hindi niya ako kayang mabigyan ng pangalan, binantaan pa niya ako na may mangyayari kung hihiwalay sa kanya.

Alam kong madamot siya at ang inaalala lang ay ang pangsariling kapakanan.

Nakialam na rin ang aking mga magulang sa usaping ito. Pero tumatanggi pa rin siyang kalimutan na ako.

Ang masama pa nito, binugbog niya ako at ang dayuhan kong nobyo na naging daan sa demandahan.

Sa ngayon, umuwi na si Charles sa kanilang bayan at ang gusto niya ay ako na ang magtungo sa kanyang bansa para doon magpakasal.

Payag naman ang pamilya ko sa anyaya niya.

Pilit kong kinakapa ang sarili kung tama ba ang gagawin kong ito. Payuhan po ninyo ako. Gumagalang,

Edith


Dear Edith,


Gawin mo kung ano ang inaakala mong tama at kung saan ka higit na liligaya.

Payag naman ang mga magulang mo sa pagpapakasal sa dayuhang ito na sa tantiya naman ng pitak na ito ay talagang nagmamahal sa iyo sino ka man at sa kabila ng iyong nakaraan.

Kilalanin mo pa rin siyang mabuti. Matutuhan mo ring usisaing mabuti kung puwede kang umakma sa isang buhay sa labas ng Pilipinas at kung ano ang naghihintay sa iyo doong kapalaran.

Good luck to you at sana, lumigaya ka na sa ikalawang pag-ibig pagkaraan ng isang mahabang bangungot.

Dr. Love

Show comments