EDITORYAL — Kahandaan sa lindol
NAKAKIKILABOT isipin kung ano ang maaaring kinahinatnan kung ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Sarangani, General Santos City ay tumama sa oras na kasagsagan na ng klase. Tiyak maraming estudyante at guro ang magbubuwis ng buhay sa biglaang trahedya.
Noong Lunes, pagsapit ng 7:37 ng umaga, unang araw ng klase, niyanig nang malakas na lindol ang lugar ang Sarangani at mga karatig-probinsiya. Ang inaasahang pananabik ng mga mag-aaral sa pagbabalik eskuwela ay napalitan ng takot. Maraming estudyante ang nag-iyakan. Pati ang mga magulang na maghahatid sa kanila ay nahintakutan at hindi malaman ang gagawin.
May mga kumpirmadong namatay, sugatan, at sumunod pa ang banta ng tsunami na maaring umabot sa mahigit isang metro ang taas.
Ayon sa mga eksperto mula sa UP National Institute of Geological Sciences, ang pagyanig ay halos 23 beses na mas malakas kaysa sa inisyal na ulat na magnitude 7.0.
Bagamat karapat-dapat papurihan ang agarang utos ng pamahalaan at ng Department of Education na isuspinde ang mga klase at ilikas ang mga nasa baybayin upang unahin ang kaligtasan ng lahat, ang sakunang ito ay nag-iiwan ng isang napakabigat na katanungan: Gaano ba katibay ang mga gusaling pinapasukan natin araw-araw?
Dito pumapasok ang mapait na katotohanan. Taun-taon, nagsasagawa ang bansa ng mga earthquake drill sa mga paaralan at opisina. Itinuturo sa atin ang hakbang na “duck, cover, and hold,” ngunit walang silbi ang anumang pagtatago kung ang mismong kisame at semento ay babagsak sa katawan at ulo.
Ngayon ay maiisip kung paano na ang buong bansa kung sakaling tumama ang kinatatakutang “The Big One”?
Ang trahedya at pagkawasak sa Soccsksargen ay hindi lamang isang lokal na krisis; ito ay ang pinakamabigat na stress test at babala para sa buong Pilipinas. Ang tunay na kahandaan ay hindi lamang nasusukat sa bilis ng rescue operations o pag-anunsyo ng class suspension, kundi sa masinsinang mitigation at pagpapatibay ng mga istruktura bago pa man yumanig ang lupa.
Hindi na sapat ang mga pampublikong drill. Panahon na upang seryosohin ng national at local na pamahalaan ang malawakang structural audit at agarang pagpapaayos ng mga marurupok na paaralan, ospital, simbahan at gusali.
Magkaroon ng masinsinang pag-iinspeksiyon kung maari pang gamitin ang mga gusali, hotels, ospital, schools, mga tulay at iba pang istruktura
Ang susunod na lindol ay hindi maghihintay kung handa na tayo o hindi.
- Latest















