Mga Pinoy sa Japan, pinag-iingat ng DOH

Mga kaso ng trangkaso sumirit

MANILA, Philippines — Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang mga Pinoy sa Japan, kasunod na rin nang pagtaas ng mga kaso ng trangkaso o influenza-like illnesses (ILIs) doon.

Kinumpirma ni Health Spokesman at Assistant Secretary Albert Domingo na naglabas ng abiso ang embahada ng Pilipinas sa Japan hinggil sa naitatalang pagtaas ng kaso ng trangkaso sa naturang bansa.

Gayunman, kaagad na nilinaw ni Domingo na wala pa namang outbreak ng naturang sakit.

“Wala namang outbreak na sinasabi sa Japan pero nakita ng ­ating epidemiology bureau tumataas ang bilang ng mala-trangkasong sakit, influenza like illnesses sa Japan,” ani Domingo.

Nabatid na nagsimulang tumaas ang mga kaso ng sakit sa Japan noong Nobyembre 2024 ngunit noong Enero ay nagsimula na rin naman anila itong bumaba.

Pinayuhan din ni Domingo ang mga Pinoy na bumibiyahe sa Japan na magsagawa ng kaukulang pag-iingat upang hindi mahawa ng sakit.

Kabilang na rito ang regular na paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask, at pagtatakip ng bibig kung uubo.

Sakali naman umanong nakakaranas na ng sintomas ng sakit ay mas makabubuting manatili na lamang sa kanilang mga hotel at magpagaling muna.

Show comments