MANILA, Philippines — Nagsagawa ng isang makasaysayang kick-off motorcade rally ang isang grupo ng party-list na kumakatawan sa mga fire at rescue volunteers sa buong Pilipinas kahapon ng umaga na nagsimula sa harap ng Bureau of Immigration sa Intramuros Maynila bilang hudyat ng pagsisimula ng campaign period para sa darating na halalan ngayong Mayo 2025.
Mahigit 200 sasakyan ang nakilahok kabilang ang nasa 3,000 supporters mula sa ibat-ibang organisasyon na nagpakita ng suporta sa Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) No. 134 sa balota.
Ang ABP party list ay pinangungunahan ni first nominee Jose Antonio “Ka Pep” Goitia kasama ang iba pang nominado na sina Leninsky Bacud, Catleya Cher Goitia, Jose Mari Alfonso Goitia, Carl Gene Moreno Plantado at Howie Quimzon Manga.
Ayon kay Ka Pep Goitia, maghahain sila ng resolusyon para sa kapakanan ng mga fire volunteers and rescuers na katuwang sa mabilis na pagtugon sa mga sunog, sakuna at kalamidad sa bawat komunidad sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas.
Sinabi pa ni Goitia na magsusulong sila ng batas para magkaroon ng benepisyo ang lahat ng firefighters, fire and rescue volunteers at iba pang volunteers.
Layunin din ng kanilang grupo ang pagpapaunlad ng kakayahan ng bawat Pilipino at magkaroon ng sapat na kaalaman sa pagtugon at paghahanda sa lahat ng kalamidad na darating sa bansa.