MANILA, Philippines - Naaresto ng pinagsanib na elemento ng Phil. Army at Philippine National Police ang itinuturing na numero unong lider ng CPP-New People’s Army sa Southern Tagalog at tatlong iba pa sa isinagawang operasyon nitong Sabado ng tanghali sa Aurora Boulevard, Quezon City.
Sa ulat ni Army’s 2nd Infantry Division (ID) Chief Major Gen. Eduardo del Rosario, kinilala ni AFP-Southern Luzon Command spokesman Col. Generoso Bolina, ang nasakoteng top leader ng NPA sa rehiyon na si Benjamin Mendoza, 61, alyas Ka Lorens, Kenji at Dave.
Arestado rin sa operasyon si Josephine Mendoza, alyas Ka Luisa, executive committee member ng Southern Tagalog Regional Party Committee (STRPC) at dalawa pang hindi pa natutukoy ang pangalan.
Ayon sa opisyal, si Benjamin ay may patong sa ulong P5.6 M na inaresto sa bisa ng dalawang warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 59 sa Lucena City, Quezon sa kasong rebelyon.
Nagsimulang sumapi sa NPA si Benjamin noong aktibo pa ito sa Youth/Student Organization sa Maynila, bago umanib sa CPP at naging full-time member ng Southern Tagalog Region na nagpapalawak ng recruitment sa mga university campus.
Nagsanay rin si Benjamin sa Commando Operation, Heavy Weapon Operation, bomb making at sniffing course sa Libya mula 1981 hanggang 1982.
Ito rin ang sinasabing utak sa serye ng mga raid ng NPA rebels.