MANILA, Philippines - Upang magpakita ng suporta, dadalo ngayon sina Senate President Juan Ponce Enrile, Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III at Sen. Gregorio “Gringo” Honasan sa isasagawang prayer rally kontra sa Reproductive Health Bill.
Ang tatlong senador ay dadalo sa misa na gagawin sa Edsa Shrine kasama ang mga naniniwalang hindi dapat pumasa ang panukalang batas kahit na sinusuportahan ito ng Malacañang.
Sina Enrile at Sotto ay kapwa mahigpit na kumokontra sa RH Bill habang si Honasan ay wala pang inihahayag na desisyon. Pero ayon kay Honasan, kahit na hindi pa niya inihahayag ang stand niya sa panukala, wala naman umanong masama kung dumalo siya sa nabanggit na misa para ipanalangin na tulungan siya sa gagawing pagpapasya.
Hindi rin anya dapat palabasin na ang RH Bill ay laban sa pagitan ng Aquino administration at ng kampo ni dating Pangulong Gloria Arroyo. Una kasi rito ay nagpahayag ng suporta ang Palasyo sa RH Bill habang nag-atras naman ng suporta sa naturang panukalang batas ang mga kaalyado ng dating pangulo.
Samantala, sinabi ni Sotto na inimbitahan sila ni Enrile na dumalo sa naturang misa at sinabihan na kung maari ay magsalita sa prayer rally. Pero tumanggi si Sotto na magtalumpati pa upang hindi umano mahaluan ng pulitika ang nabanggit na pagtitipon.