MANILA, Philippines - Ipinaubaya ng Malacañang sa Cultural Center of the Philippines (CCP) at National Commission on Culture and Arts (NCCA) ang paggagawad ng National Artist award sa Comedy King na si Dolphy.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na bagama’t naniniwala si Pangulong Aquino sa naging kontribusyon ni Dolphy ay mayroon umanong proseso para sa pagpili ng national artist.
Wika ni Lacierda, may umiiral na Temporary Restraining Order (TRO) mula sa Korte Suprema kaugnay sa pagkuwestyon sa pagiging national artist ni movie director Carlo Caparas.
Aniya, batid ng Palasyo na maraming sulat na dumagsa noon pa sa CCP at NCCA na nagrerekomenda kay Dolphy upang kilalalanin bilang national artist ang comedy king. Ang CCP at NCCA ang siyang namamahala sa pagsala sa national artist na irerekomenda sa Pangulo.
Sabi pa ni Lacierda, masyadong mahigpit ang ginagawang pagpili ng national artist at mayroon itong proseso na dapat pagdaaan at ito ay iginagalang ng Pangulo.
Magugunita na unang binigyan ng presidential award ni Pangulong Aquino si Dolphy na Grand Collar of the Order of the Golden Heart noong Nov. 2010.
Umapela na rin ang Malacañang sa publiko na ipagdasal ang recovery ni Dolphy na nakikipaglaban sa kanyang maselang kondisyon sa Makati Medical Center.
Pinasalamatan naman ng pamilya Quizon ang Pangulo sa pangunguna at paghikayat sa sambayanang Pilipino upang mag-alay ng panalangin para sa kanilang ama.