Call centers sa 'Pinas magsasara?

MANILA, Philippines - Nanganganib na magsara ang mga call centers o Business Process Outsourcing (BPO) industry sa bansa.

Ito ay sa sanda­ling maipasa sa United States Congress ang isang panukalang batas doon na nagbabawal sa mga US companies na mag-outsourced ng operasyon nito.

Ayon kay Eastern Samar Rep. Ben Evardone, dapat mag-lobby ang pamahalaan sa US Congress para harangin ang House bill 3596 o Call Center and Consumers Protection Bill na inihain nina Reps. Tim Bishop (New York), David Mckinly (West Virginia), Mike Michaud (Maine) at Gene Green (Texas).

Layon ng panukala na ma-discourage ang mga US companies na mag-outsource ng kanilang operasyon sa pamamagitan ng pagmumulta ng $10,000 kada araw kapag nabigo ito na magbigay ulat sa US Department of Labor na mag-a-outsource sila.

Bawal na rin sa kanilang makakuha ng federal grants at loans sa loob ng limang taon kapag nagpatuloy sila na mag-operate ng call centers sa ibang bansa.

Sinabi pa ni Evardone na kapag naipasa ito ay malaki ang magi­ging negatibong impact nito sa BPO industry sa Pilipinas dahil mara­ming mga Pilipino ang mawawalan ng trabaho.

Ang BPO ang ikalawa sa nagpapasok ng malaking kita mula sa ibang bansa kung saan nasa 400,000 ang tinatayang nagtatrabaho dito, na sinundan naman ng mga Overseas Filipino Worker.

Noong nakalipas na taon, umabot sa $9 bilyon o ang ipinasok ng BPO industry sa bansa na katumbas sa 4-5% ng GDP ng Pilipinas.

Show comments