Pondo sa feeding program kapos

MANILA, Philippines - Pinadadagdagan ni Senator Edgardo Angara kay Department of Education Secretary Armin Luistro ang budget sa feeding program ng ahensiya para sa mga public schools upang matulungan ang mas maraming bata na pumapasok sa eskuwelahan kahit walang laman ang tiyan.

Ayon kay Angara, P77 milyon lang mula sa inilaang P238.8 bilyong budget ng ahensiya para sa 2012 ang para sa feeding program.

Mismong si Luistro umano ang nagsabi na nasa 45,000 bata lamang ang makikinabang sa feeding program ng DepEd kahit umaabot sa 2 milyong bata ang pumapasok sa eskuwelahan kahit gutom o hindi kumakain. 

Dahil umano sa kawalan ng pondo, nasa 986 eskuwelahan lamang ang makakatanggap ng alokasyon para sa feeding program.

Ayon kay Angara, mahalaga ang nutrisyon sa early years ng mga kabataan.

“Nutrition is critical in the early years... The universal Kindergarten program will bring even the five-year olds to school, but that’s not enough. Only school feeding programs have been shown to keep them both physically fit and well nourished to stay in school at least until Grade 3,” sabi ni Angara.

Iginiit ni Angara kay Luistro na makipagtulungan sa DSWD upang magkaisa ang dalawang ahensiya sa pagbibigay ng tulong o feeding program sa mga estudyante.

Show comments