MANILA, Philippines - Nakahanap ng pag-asa ang Department of Health (DOH) ng pangontra laban sa dengue matapos umanong madiskubre ng Bureau of Customs na maaaring gamitin ang sibuyas bilang pantaboy sa mga lamok.
Sinabi ni Customs Deputy Commissioner Horacio Suansing Jr., na may nakapagsabi sa kanila na maaaring gamitin ang sibuyas bilang pangontra sa lamok.
Bunsod nito kaya nagpahayag ng kahandaan ang BoC na ipagkaloob sa DOH ang tone-toneladang sibuyas na nasa kanilang kostudiya upang magamit sa mga lugar na mataas ang bilang ng kaso ng dengue gayundin sa mga lugar na pinamamahayan ng lamok.
Kinakailangan lamang aniyang makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan ang DOH para sa tamang disposisyon ng mga nasabat na smuggled onions.
Napag-alaman na ilang lugar sa bansa ay matagal nang gumagamit ng sibuyas bilang pantaboy sa mga lamok upang makaiwas sa mga sakit na dulot ng nabanggit na insekto.
Samantala, 50 tonelada ng smuggled na sibuyas na galing China ang pinigil ng Customs.
Ayon kay Suansing, sakay ng tatlong 40-footer container ang mga sibuyas na nagkakahalaga ng P2.5 milyon at ipinasok sa bansa ng Interwide Trading and Air Fleet Alliance Incorporated na walang kaukulang permit.
Idineklara itong pickles pero hindi nakalusot sa BOC Enforcement Group at Operations and Intelligence Office kaya kinumpiska.