MANILA, Philippines - Isang Chief Superintendent o one-star general ang iniimbestigahan na ngayon ng PNP-Highway Patrol Group hinggil sa posibleng pagkakasangkot nito o pagbibigay proteksyon sa carjacking syndicates sa bansa.
Gayunman, hindi muna pinangalanan ni PNP-HPG Director, Chief Supt Leonardo Espina ang heneral dahil patuloy pa ang pangangalap nila ng mga ebidensya.
Ang tanging clue na ibinigay ni Espina ay walang posisyon ngayon ang heneral pero hindi malinaw kung retirado na ito o aktibo pa sa serbisyo.
Kabilang sa iniimbestigahan ay ang posibleng koneksyon ng heneral sa notoryus na Dominguez carjacking group na pinamumunuan ng magkapatid na Raymond at Roger.
Ang mag-utol ang itinuturong nasa likod ng pagdukot, pagpatay at pagsunog sa mga bangkay ng dalawang car dealer na sina Venson Evangelista at Emerson Lozano gayundin sa kasama ng huli na si Ernani Sencil na nadamay sa insidente.
Tiniyak naman ni Espina na may paglalagyan ang heneral at mga kasabwat nito.
Aminado rin si Espina na malawak ang network ng operasyon ng carnapping syndicate na aniya’y may galamay hindi lang sa pulisya kundi pati sa Land Transportation Office.
Sa LTO anya ginagawa ang panduduktor ng mga papeles. Dito inaayos ang certificate of registration at official receipt ng mga ninakaw na sasakyan.
Hindi naman nagkomento si Espina sa posibilidad na abot ang koneksiyon ng sindikato sa mga piskal at court officials.