MANILA, Philippines - Sinimulan na ng Department of Justice (DOJ) ang pag-abiso sa may 116 testigo na kailangan silang dumalo sa pagdinig na gagawin ng Hong Kong government sa kanilang bansa kaugnay sa August 23 Quirino Grandstand Hostage crisis kung saan walong HK nationals ang napatay.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, ito ay bilang kooperasyon sa kahilingan ni Kevin Cervos ng Hongkong Coroners Office Department for Justice sa gagawing nilang pagdinig sa Pebrero 14-25.
Ang nasabing pagdinig ay kahalintulad din umano ng ginawa ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC).
Inatasan na rin ni de Lima si Chief State Claro Arrelanol na personal na makipag-ugnayan sa mga testigo at abisuhan ang mga ito na ang pagbibigay nila ng statement ay boluntaryo at hindi sila maaring pilitin ng gobyerno kung ayaw nila. Samantala personal namang dadalhin ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang invitation letters sa mga witnesses.
Pinayuhan naman si de Lima ng Department of Foreign Affairs (DFA) na huwag ng sumama sa delegasyon patungong Hongkong dahil wala naman itong pormal na imbitasyon mula sa gobyerno ng HK, ito ay sa kabila ng pahayag ni Pangulong Noynoy na dapat magtungo ang Kalihim sa nasabing bansa bilang pinuno na rin ng IIRC.
Gagastusan ng HK government ang pamasahe ng mga testigo na magtutungo doon samantalang hindi naman pagkakalooban ng pamahalaan ng Pilipinas ng abogado ang mga ito.
Sa nasabing pagdinig, nais umano ng Hongkong government ng closure sa nasabing insidente at kung ano ang tunay na sanhi ng kamatayan ng 8 HK nationals.
Pag-uusapan naman ng gobyerno ng Pilipinas at Hong Kong kung maaring magpadala na lamang ng video link o desposition sa consul general ang mga papayag na testigo.