PALEA pinagbibitiw si Baldoz

MANILA, Philippines - Nanawagan kaha­pon ang Philippine Airlines Employees Association (PALEA) na magbitiw sa puwesto si Labor Secretary Rosalinda Baldoz at makialam na sa kanilang problema si Pangulong Benigno Aquino III.

Ito ay matapos na pagtibayin ni Baldoz ang naunang desisyon ni dating Acting Labor Secretary Romeo Lagman na pumapabor sa malawakang tanggalan sa trabaho ng may tatlong libong manggagawa ng PAL.

Tinawag ng grupo ang kalihim bilang “Baldozer ng karapatan ng mga manggagawa” at “tuta ni Lucio Tan” kaya dapat na umano itong magbitiw sa puwesto.

Nagpahayag din ang PALEA at mga kaal­yadong grupo ng mariing pagtutol sa trabahong kontraktwal kasabay ng pagbansag sa Department of Labor and Employment (DOLE) bilang umano’y libingan ng karapatan ng mga manggagawa.

Kaugnay nito, nana­wagan din ang PALEA kay Pangulong Aquino na bawiin ang kontrobersyal na desisyon ni Baldoz bilang patunay sa isinusulong nitong pagtahak sa tuwid na landas.

Ginawa ng PALEA ang nasabing panawagan kasabay ng nakatakdang conciliation meeting sa pagitan ng kanilang grupo at ng PAL sa DOLE.

Show comments