MANILA, Philippines - Ipinaubaya ni House Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte sa miyembro ng oposisyon ang pagiging chairman ng Ethics Committee.
Ayon kay Belmonte, may 80% nang napupunuan ng chairman ang mga komite sa Kongreso at maaari na itong makumpleto sa susunod na linggo.
“All committee chairmanships go to the majority. But I would like to state here for the first time that in the interest of transparency in the House, it is my intention to ask, to turn over the committee on ethics which has something to do with the internal discipline of the House to the Minority,” ani Belmonte.
Malaki ang posibilidad na si Siquijor Rep. Orlando Fua ng Lakas-Kampi-CMD ang maging chairman ng Ethics Committee, kung saan ang unang hahawakang kaso nito ay ang kaso ni Ilocos Sur Rep. Ronald Singson na ngayon ay nakakulong sa Hongkong dahil sa kasong droga.
Itinanggi naman ni Belmonte ang unang pahayag ng grupo ng oposisyon na una nilang hiniling na ito ang maging chairman ng nasabing komite, bagkus ang una ang nag-alok sa posisyon na pamunuan ang Ethics Committee.