MANILA, Philippines - Isang legal team ang kinuha ni Ilocos Sur Gov. Luis “Chavit” Singson para tulungan ang kanyang anak na si Ilocos Sur Rep. Ronald Singson matapos mahulihan ng 26.1 gram ng cocaine sa Check Lap Kok International Airport sa Hong Kong kamakailan.
Sinabi ng Department of Foreign Affairs, kumuha ng private lawyers si Gov. Singson para tulungan ang kanyang anak na nakapiit ngayon sa Lai Chi Kok Correctional Institution pero nakahanda naman ang consulate general ng embahada para tulungan ang kongresista.
Kinumpirma naman ni Gov. Chavit ang pagkuha ng legal team para sa kanyang anak. Nahulihan ng 26.1 gram ng cocaine at 2 tableta ng Valuum ang batang Singson noong July 11 pagdating sa Hong Kong airport mula sa Pilipinas.
Ibinasura ng korte sa HK ang kahilingan ni Rep. Singson para makapaglagak ito ng piyansa para sa kanyang kaso at itinakda naman sa Agosto 19 ang arraignment ng kaso nito sa Tsuen Wan Court.
Natakdang magtungo din sa HK si Gov. Singson upang personal na tignan ang kalagayan ng anak at umaasa itong mapapayagan siyang magpiyansa.