MANILA, Philippines - Anim na ang mga batang namatay sa bansa dahil sa tigdas mula Enero 1 hanggang Marso 6 lamang ng taong 2010.
Sa pinakahuling datos ng Department of Health, ang mga batang nasawi ay kinabibilangan ng limang lalaki at isang babae.
Lumobo na sa 878 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng tigdas mula Enero hanggang Marso 6, 2010, na mataas ng 200 porsiyento kung ikukumpara sa kaparehong petsa noong 2009 na nakapagtala lamang ng 241 cases.
Gayunman, tiniyak ni Health Secretary Esperanza Cabral na pababa na ang kaso ng tigdas sa mga susunod na buwan dahil sa rekord, mula Pebrero 28 hanggang Marso 6, tatlo lamang ang naitala nilang kumpirmadong kaso ng sakit.
Patuloy lamang naman umano ang pagbibigay ng libreng bakuna laban sa tigdas kaya nanawagan ang health chief sa mga magulang na magkusang dalhin ang mga anak sa health centers upang mabigyan ng bakuna laban sa tigdas at iba pang sakit para makaiwas sa sakit.
Posible rin aniya, na alisin na ang idineklarang outbreak ng tigdas sa iba’t-ibang lugar sa bansa sa mga susunod na linggo kung patuloy na ang makikitang pagbaba ng mga kaso.