Bilyunaryong Tsinoy at pamilya kinasuhan ng maid

MANILA, Philippines - Sinampahan kaha­pon ng mga kasong kri­minal sa Department of Justice ang isang bilyo­naryong Tsinoy at pa­milya nito dahil sa uma­no’y pang­mamaltrato sa kanilang katulong.

Kasong maltreatment, serious illegal detention, slavery at frustrated homicide ang isinampa ng biktimang si Maryjane Solano Dequit, 18 anyos sa tanggapan ni State Prosecutor Edna Valen­zuela laban kay Mariano Tanenglian, asawa nitong si Aleta, mga anak na si Maxi­milian at Fayette na pawang mga residente ng No. 30 Biak na Bato corner Dapitan streets. Ba­ran­gay Siena, Quezon City.

Inireklamo ni Dequit na palagi siyang sina­sak­tan ni Aleta sa tuwing siya ay may pag­kakamali sa trabaho tulad ng pag-uuntog sa kanyang ulo sa pader, pananampal at panana­bunot at minsan ay sina­sakal pa siya at tinatad­yakan.

Mahigpit din ipinag­bawal sa biktima ang pakikipag-usap sa tele­pono, cellphone, bawal makipag-usap sa ka­sama, bawal tumawa, bawal umupo sa upuan nila, bawal sumilip sa bintana, bawal manood ng TV, bawal kumain sa kahit anong oras, bawal matulog at magpahinga kapag hindi tapos ang mga trabaho, bawal magbasa ng kahit ano at bawal magsulat.

Bukod sa pananakit ay pinaghuhubad pa umano siya nina Fayette at Aleta at kinukunan ng litrato sa tuwing siya ay naglilinis sa kwarto ng mga ito kasabay pa ang pagpalo ng bakal at ti­natakot na ipapasok siya sa night club at ipakikita sa ibang tao ang litrato.

Minsang nahuli ang biktima na kumukuha ng pagkain sa refrigerator ay agad siyang sinabu­nu­tan, tinadyakan at kina­dena ang dalawang kamay, paa at leeg ng biktima. 

Nabuhay lang umano ang biktima sa pagkain ng aso dahil pinagka­kaitan itong pakainin ng natu­rang amo.

Natapos lang ang paghihirap ng biktima ng marescue ito ng Department of Social Workers and Development. Ang biktima ay namasukan sa pamilya Tanenglian si­mula noong 13-anyos pa lang ito. (Gemma Garcia at Ludy Bermudo)

Show comments