MANILA, Philippines -Sasampahan ng kaso ng Armed Forces of the Philippines ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa ginawang pagtulong sa Abu Sayyaf Group sa naganap na engkuwentro nito sa mga sundalo noong Miyerkules sa Brgy. Silangkum, Tipu-Tipo, Basilan.
Ayon kay AFP-Public Information Office Chief Lt. Col. Romeo Brawner Jr., ihahain ng AFP-Western Mindanao Command sa Joint Coordinating Committee on Cessation of Hostilities (JCCH) ang naturang reklamo matapos na aminin ng liderato ng MILF na 10 sa mga namatay na rebelde ay miyembro nila bukod pa sa umiiral na SOMO at SOMA sa pagitan ng mga ito.
“Despite na may SOMO (suspension of military operations), na sinagot naman nila ng SOMA (Suspension of Military Activities) at may tropa silang nakasama sa encounter, ang tanong po ng AFP ay bakit naman sumama ang MILF,” ani Brawner.
Nakiramay at nangako ang pamunuan ng AFP sa mga kaanak ng 23 nasawing sundalo na magbibigay ng tulong pinansiyal sa mga ito, kasabay ng pagsasabing itutuloy ang opensiba laban sa ASG.
Samantala, binigyan naman ng full military honors ang 23 nasawing sundalo kung saan ito ay dinaluhan nina Defense Sec. Gilberto ‘Gibo “ Teodoro Jr., AFP Chief of Staff Lt. Gen. Victor Ibrado, Phil. Marines Commandant Maj. Gen Juancho Sabban, AFP-Westmincom Chief Maj. Gen. Ben Mohammad Dolorfino, at Directorate Integrated Police Operation office chief Police Dir. Felizardo Serapio.
Pansamantala naman inilagak ang mga kabaong ng mga ito sa Westmincom gymnasium sa Camp Calarian, Zamboanga City para basbasan ng military chaplain at saka binigyan ng pagkilala o posthumous award ang mga namatay.
Nakatakda naman dalhin sa Metro Manila ang napatay na 20 Marines sa Bonifacio Naval Station gymnasium para mabigyan din ng parangal.
Samantala, naniniwala si Presidential Adviser on the Peace Process Avelino Razon Jr. na hindi makakaapekto sa nakatakdang pagpapatuloy ng peace talks sa MILF ang naganap na engkwentro sa pagitan ng military at Abu Sayyaf.
Sinabi ni Sec. Razon, nakikiusap din siya sa liderato ng MILF na disiplinahin ang mga “rogue”members nito upang hindi makagulo sa nakatakdang pagpapatuloy ng peace talks.
Aalamin rin ni Razon sa liderato ng MILF kung bakit sumali ang mga ito sa labanan gayong may isinusulong na peace talks ang pamahalaan sa nasabing rebeldeng grupong Muslim.
Tutulak naman ngayong araw si Pangulong Gloria Arroyo sa Zamboanga City para magsagawa ng command conference kaugnay sa pinakahuling engkwentro ng military at mga bandido at bibisitahin din ng Pangulo ang mga nasugatang sundalo. (Joy Cantos/Rudy Andal)