PNP, AFP red alert na sa SONA

MANILA, Philippines - Ngayon pa lang ay nakaalerto na ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines-National Capital Region Command para sa seguridad ng isasa­gawang State of the Nation Address ni Pangu­long Gloria Arroyo sa Batasan complex bukas.

Bunsod nito’y pina­ngunahan nina AFP Chief of Staff Gen. Victor Ibrado at AFP-National Capital Region Command Chief Major Gen. Jogy Leo Fo­jas ang ‘mustering’ at pag-iinspeksyon ng tropa ng mga sundalo, mga tangke at military truck sa Camp Aguinaldo.

Magugunita na ang AFP-NCRCOM ay binuo bilang anti-coup unit, ma­tapos ang bigong des­tabilisasyon ng Mag­dalo group noong Hulyo 27 sa Oakwood hotel, Makati City, laban sa gobyerno.

Ngayon din ang dek­larasyon ng full alert status ng PNP, kung saan mag­ papakalat ang NCRPO ng 10,000 pulis sa mga lugar na pagdarausan ng mga rally bukas lalo na sa kahabaan ng Commonwealth Avenue at Men­diola.

Ikinatuwiran naman ni Ibrado na bagama’t wa­lang nakikitang banta sa ad­ministrasyon ay mas maka­bubuting alerto ang buong pwersa ng AFP at PNP.

Inaasahan naman ni Fojas na kung may mag­hahasik man ng kagu­luhan ito ay posibleng mula sa kampo ng mga rebeldeng New People’s Army.


Show comments