Inakusahan kahapon ni Senator Jinggoy Estrada si dating Agriculture undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante na umaarte lamang kaya nagpa-confine sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City.
Ayon kay Estrada, halatang “script” lamang ng Malacañang ang pagpapa-ospital ni Bolante para magmukhang kaawa-awa at hindi na maimbestigahan ng Senado.
Isang daan at isang (101%) porsiyento umanong sigurado si Estrada na arte lamang ang ipinakita ni Bolante na pananakip ng dibdib at panghihina nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakalawa ng gabi upang hindi makulong sa basement ng Senado kung saan nakahanda na ang paglalagyan sa kanya.
Napag-alaman na si Dr. Romeo Saavedra ang doctor ni Bolante na siya ring cardiologist ni First Gentleman Mike Arroyo at ka-Rotarian ni Bolante.
Dinala si Bolante sa ospital mula sa airport base na rin sa kahilingan ng kanyang abogado na si Antonio Zulueta dahil umano sa pananakit ng dibdib.
Gayunman, imbes na dalhin sa emergency room dinala ito sa isang suite (Rm. 2016) sa St. Luke’s kung saan siya nakaratay ngayon.
Naniniwala naman si Dr. Mariano Blancia Jr., head physician ng Senado, na hindi naman “life threatening” ang nangyari kay Bolante kaya dapat ay sa Senado ito idiniretso at hindi sa St. Luke’s.
Upang masigurado na hindi lamang nagdadahilan, nagpadala na kahapon ng medical team ang Senado sa St. Luke’s upang tingnan ang kalagayan ni Bolante.
Ayon kay Senate President Manuel Villar, depende sa kalagayan ni Bolante ang magiging schedule ng Senado sa imbestigasyon sa P728 milyong fertilizer scam.
Kaugnay nito, iginiit ni Estrada na bantayan si Bolante ng Office of the Senate Sergeant-at-arms (OSSA) sa loob ng 24 oras para hindi maitakas ng anumang grupo.
Naniniwala rin si Estrada na dapat idiretso kaagad si Bolante sa Senado sa sandaling makalabas ng ospital upang muling mabuksan ang imbestigasyon sa P728 milyon fertilizer fund scam.
Si Bolante ang itinuturong arkitekto ng nasabing scam kung saan sa halip na ipamudmod sa mga magsasaka ang pondo ay napunta umano sa campaign fund ni Pangulong Gloria Arroyo noong 2004.
Nangako naman ang tanggapan ng Ombudsman na kanilang tatapusin sa loob ng tatlong buwan ang pagbusisi sa kasong kinasasangkutan ni Bolante.
Bolante hinamon ng star witness
Hinamon kahapon ng star witness sa fertilizer fund scam na si Jose “Boy” Barredo si Bolante na umamin na at kumanta kung sino ang nag-utos sa kanya sa pamumudmod ng milyon-milyong pisong fertilizer fund.
Ayon kay Barredo, panahon na upang samahan siya ni Bolante sa paglalahad ng katotohanan sa fertilizer fund upang magkaroon ng katarungan ang mga magsasaka.
Si Barredo ay nagtatago ngayon kasama ang kaniyang pamilya sa isang hideout sa pangambang itutumba siya nang mga taong gustong magpatahimik sa kanya.