Harina damay na rin

Tila hindi matatapos ang nakaaalarmang mela­mine issue matapos na pati mga harina mula sa China ay isasailalim na rin umano ng Department of Health (DOH) sa government monitoring upang matiyak na wala itong sangkap na melamine.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang hakbang ay kasunod na rin nang kahilingan ng isang business group na nagpahayag ng pangamba na baka maging ang ha­rina na mula sa nasabing ban­sa ay kontaminado rin ng melamine upang palitawin na ito ay mayaman sa protina.

Nangako naman si Du­que sa mga ito na kaagad niyang aatasan ang Bureau of Food and Drugs (BFAD) na isama sa lista­han ng itse-check na mga produkto ang harina.

Samantala, umaabot sa 54 produkto na kinabi­bi­langan ng mga liquid at powder milk, candy, biscuits, chocolate bar, inumin at yogurt na may dairy components mula sa China ang kasalukuyang ipinag­babawal ng BFAD kaugnay ng kanilang isinasaga­wang  imbestigasyon bun­sod na rin ng melamine scare.

Ayon kay Virginia Fran­cia Laboy, BFAD Policy, Planning and Advocacy Division Officer in Charge, ang mga naturang pro­dukto ay pansamantalang ban ha­bang isinasagawa nila ang pagsusuri sa mga ito at wala pa umanong kum­ pir­masyon na nagta­tag­lay ang mga ito ng mela­mine.

Kinailangan lamang nilang kumuha ng mga sam­ples ng mga nasabing produkto matapos na makatanggap ng report na ang mga ito ay gumagamit ng mga raw materials galing sa China. Aminado si Laboy na bagama’t madaling matukoy ang gatas na galing sa China, mahirap namang malaman kung aling mga gatas naman na galing ibang bansa ang may halong gatas mula sa China kung kaya’t kailangan nilang isa-isahin ang pagsusuri sa mga ito.

Show comments