Nabaldang seaman pinaboran ng Korte

Inatasan ng Korte Su­pre­ma ang isang manning company na bayaran ang isang seaman na nagka­sakit at nabalda habang nagtatrabaho ito sa kani­lang kumpanya.

Sa 10-pahinang desis­yon ng Supreme Court (SC) na sinulat ni Associate Justice Leonardo Qui­sumbing, kinatigan nito ang inihaing petition ni Benedito Suganob na humihiling na bayaran siya ng halagang US$60,000 para sa kanyang sickness at disability benefits ng Philimare, Inc. at Marlow Na­vigation Co. ltd bilang Chief cook sa loob ng 10 taon.

Base sa record ng Korte, nakatalaga si Su­ganob sa MV Mekong Star noong Setyembre 2, 2001 at pinabalik sa Pilipinas upang maipagamot dahil sa matinding pananakit ng kanang balikat.

Sumailalim sa serye ng pagsusuri sa Peoples Diagnostic Center si Suga­nob at natuklasang may­roon itong bali sa kanang balikat, gouty arthritis, urinary track infection at hypertension.

Kaya’t idineklara itong “unfit to work” noong Oktubre 11,2001 at makali­pas ang 18 araw ay idi­ne­klara na itong “fit to work” ng nasabing klinika.

Abril 5, 2002 ay muli na namang pinatigil sa pagta-trabaho si Suganob dahil sa edad na rin nito at sa mu­ling pagbalik ng kan­yang mga sakit.

Humingi ng permanent disability at sickness benefits si Suganob subalit iginiit ng Philimare, Inc at Marlow Navigation na hindi ito nararapat bigyan ng benepisyo dahil ang kan­yang sakit ay hindi kaug­nay sa kanyang trabaho. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments