Hinamon kahapon ng Malacañang ang sinasabing bagong witness sa NBN-ZTE deal controversy na dalhin sa korte ang kanyang ebidensiya na sinasabing nakipag-secret meeting si Pangulong Arroyo saka nakipaglaro ng golf sa mga ZTE officials sa Shenzen, China noong Nov. 2, 2006.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesman Anthony Golez, sa halip na gamitin sa pamumulitika ni Iloilo Vice-Governor Rolex Suplico ang kanyang bagong witness ay mas mabuting iharap na lamang nila ito sa korte.
Lumutang ang isang alias “Alex” na sinasabing kabilang sa team ni Pangulong Arroyo nang magtungo sa Shenzen noong November 2006 kasama si First Gentleman Mike Arroyo.
Sinasabing ang bagong witness na ito ni Suplico ay may ebidensiyang larawan kung saan ay makikita si Pangulong Arroyo na nakikipaglaro ng golf sa headquarters sa ZTE officials at nakipag-usap sa mga opisyal ng ZTE.
Nangyari umano ang nasabing pakikipag-meeting limang buwan bago nalagdaan ang kontrobersiyal na kontrata.
Samantala, inamin naman kahapon ng Malacañang na nakipagkita nga si Pangulong Arroyo sa mga ZTE officials sa Shenzen, China noong November 2006 matapos siyang maglaro ng golf kasama si FG sa Shen zen Golf club.
Sinabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita, wala siyang nakikitang masama sa pagpapaunlak ni Pa ngulong Arroyo sa imbitasyon ng ZTE officials para sa isang luncheon treat.
Ayon kay Sec. Ermita, hindi maituturing na secret meeting ang pakikipagkita ni PGMA sa mga ZTE officials dahil bahagi ito ng kanyang “private functions.”
Aniya, walang ginawang commitment ang Pangulo dahil wala pa namang kontrata na nilalagdaan kaugnay sa NBN project.
Nakatakdang ituloy ni Senate Blue Ribbon Committee chairman Alan Peter Cayetano ang imbestigasyon sa ZTE sa susunod na linggo.
Ayon kay Cayetano, maraming dapat ipaliwanag ang Pangulo lalo pa’t may bagong testigo na makakapagpatunay sa pakikipag-usap ng Pangulo sa mga opisyal ng ZTE.
Sinabi pa ni Cayetano na nakausap na niya si Suplico na may hawak umano kay “Alex” at sinigurado nito na sisipot ang nasabing testigo sa pagbubukas ng imbestigasyon ng Senado.
Si Alex ay isang kawani ng gobyerno na may alam sa nasabing maanomalyang ZTE-NBN deal.
Sinabi pa ni Cayetano na dinadaya lamang ng Malacañang ang taumbayan nang hamunin ang bagong testigo na kasuhan na lamang sa korte ang Pangulo dahil mayroon itong “immunity from suit” at hindi puwedeng sampahan ng kaso.
Aniya, malinaw na ebidensiya ito na may direktang kinalaman ang Pangulo sa kinanselang kwestyonableng deal na ibinulgar ni dating Philforest president Rodolfo Lozada Jr.