Palawan Gov. pinapaaresto ng Sandiganbayan

Ipinag-utos ng Sandi­gan­bayan First Division na hulihin si Palawan Gov. Joel Reyes at Provincial Mining Regulatory Board technical secretariat An­dronico Baguyo dahil sa kasong katiwalian na na­isampa sa kanila ng tang­gapan ng Ombudsman noong Pebrero 4.

Sina Reyes at Baguyo ay inakusang ilegal na nag-isyu ng small scale mining permit na tatagal ng dala­wang taon sa Platinum Group Metals Corp. na nagsimula noong Abril 6, 2006 hanggang Abril 5, 2008.

Ayon kay Prosecutor M. Rawnsle Lopez, ang permiso ay naipalabas kahit na may ebidensiya na ang Platinum Group ay lumabag sa probisyon ng kasalukuyang small-scale mining permit.

Sinabi ni Lopez na ang mining firm ay gumagamit ng mga heavy equipment sa kanilang operasyon kasama na ang pay loaders, backhoe, water tankers at dump trucks na taliwas sa sinasaad ng Republic Act 7076 o ang Small Scale Mining Act na kung saan ang operasyon nito ay dapat gumamit lamang ng manual labor.

Ayon sa complainant na si Fernando Santos ng environmental group Kati­punan Para sa Kalikasan, ang Platinum Metals ay nag-extract ng may 282,729.35 metric tons (MT) ng mineral ores na lampas sa 50,000 MT annual production thres­ hold para sa mga small-scale mining.

Hindi naman sabit sa kasong ito sina Provincial Administrator Romeo Se­ra­tubias, Municipal Mayor Lucena D. Demaala at DENR regional director Guillermo S. Estabillo.

Nilagdaan ni Associate Justice Diosdado Peralta ang arrest warrant kay Reyes at Baguyo at nire­komenda ang piyansang tig-P30,000 para sa pansa­mantala nilang kalayaan.

Ang arrest warrant ay nilabas ng Sandiganbayan kahit na may paliwanag si Gov. Reyes na walang probable cause na siya ay sangkot sa naturang kaso. (Angie dela Cruz/Butch Quejada)

Show comments