Mas malamang umano na aksidente at hindi sabotahe ang nangyaring pagsabog sa Glorietta 2 mall sa Makati City.
Ito ngayon ang anggulong sinisiyasat ng Philippine National Police (PNP) batay sa resultang nakalap ng Philippine Bomb Data Center, Explosives and Ordnance Division (EOD) at Scene of the Crime Operations (SOCO) sa blast site.
Sa ika-5 araw ng post blast investigation ng binuong Multi Agency Investigation Task Force (MAITF), sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Geary Barias, lumabo na isang sabotahe ang sanhi ng bomba at mas lumalakas ang teoryang ‘accidental gas explosion’ ang pag sabog.
Nilinaw ni Barias na walang nakuha ni isa mang sangkap ng bomba tulad ng triggering device sa blast site at maliban dito ay hindi rin ito lumikha ng malalim na hukay na karaniwang tatak ng isang sumasambulat na malakas na uri ng eksplosibo.
Sinabi naman ni MAITF Chief P/Chief Supt. Luizo Ticman na nagsama ang gas mula sa septic tank at ang diesel na nasa basement kaya nagkaroon ng malakas na pagsabog matapos itong dumaloy sa tubo. Ang nasabing basement ay wala rin umanong ventilation at wala ring exhaust system.
Patunay na gas explosion ang pangyayari ay dahil nagkaroon ng biyak at nawasak ang diesel tank kung saan ay dalawang insidente ng pagsabog ang yumanig sa lugar.
Samantala nakita rin ang presensya ng mga nakabukas na switches na maaring magdulot ng pagsabog mula sa motor pumps, battery at iba pa.
“The vent of explosion clearly show strong upward push which characterized gas explosion,” paliwanag pa ni Ticman sa press briefing sa Camp Crame kahapon.
At kahit mayroong natagpuang presensiya ng RDX na component ng paggawa ng C-4 military plastic explosives, ay hindi naman nangangahulugan na mula ito sa isang bomba dahil sangkap din ito sa aerosol at cosmetics.
Kaugnay nito, ayon pa kay Barias, pinag-aaralan na ng PNP ang pagsasampa ng kaso sa mall owner na Ayala Land Corp. bunga ng kapabayaan kung mapapatunayan na resulta ng gas pressure ang naganap na pagsabog sa Glorietta mall.
Bagaman kumbinsido rin si Pangulong Arroyo sa ulat na posibleng aksidente lamang ang naganap na pagsabog sa Glorietta 2 ay inatasan pa rin nito si PNP Director Gen. Avelino Razon Jr. na ipagpatuloy ang imbestigasyon at makipag-koordinasyon sa US Federal Bureau of Investigation at Australia.
Sinabi naman ni Razon, hindi pa rin nila inaalis ang anggulong “bomba” kahit wala silang nakuhang ebidensiya na magpapatunay na bomba ang ginamit sa pagpapasabog. (Joy Cantos/Rudy Andal)