Batay sa report, nawawalan na ng pag-asa ang mayorya sa mga lokal na opisyal ng pamahalaan na makatagpo pa ng mga survivor sa trahedya habang patuloy namang tumataas ang death toll.
Sa advisory ng National Disaster Coordinating Council (NDCC), umaabot na sa 543 ang narerekober na bangkay habang may 740 pa ang nawawala. Naitala naman sa 1,861 ang mga nasugatan.
Ayon kay NDCC Executive Director Glenn Rabonza, ang nasabing palugit na 10 araw para sa paghahanap sa mga nawawala pang biktima ay inaprubahan sa katatapos na councils meeting sa Bicol Region.
Ayon sa opisyal ay nagsasagawa na sila ng rehabilitasyon sa mga apektadong komunidad kabilang ang relokasyon sa mga residente na ang mga tahanan ay nasira.
Samantala, kahun-kahong mga relief goods mula sa insurance consortium ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ipinamahagi sa Bicol Region dahil sa kakapusan ng pagkain doon.Personal na pinamahalaan ni Lui Gamit, general manager ng Universal Insurance Transport Accident Agency Solutions Inc. (Unitrans) ang mga malalaking kahon na naglalaman ng canned goods, kape, noodles, bigas, asukal at bottled water sa pamunuan ni LTFRB chairman Thompson GT Lantion.
Ayon kay Gamit, ang kanilang inisyatiba sa pagpapadala ng mga relief goods sa mga nasalanta ng kalamidad ay bahagi ng kanilang "Operation Tulong" at bilang tugon na rin sa panawagan ng gobyerno na magkaisa sa oras ng kalamidad. (Joy Cantos/Doris Franche)