Chacha ipipilit ni Hagedorn

Ipaglalaban ni Puerto Princesa, Palawan Mayor Edward Hagedorn ang pagsusulong ng People’s Initia-tive na siyang magbibigay daan sa mahahalagang pagbabago sa Saligang Batas.

Sa ipinadalang pahayag, kumpiyansa si Hagedorn at mga lokal na opisyal at lider ng koalisyong sumusuporta sa Charter change na kakatigan ng Korte Suprema ang desisyon para sa interes ng mamamayang Filipino na ang tinig ay pinatotohanan ng 6.3 milyong lagda.

"Naniniwala ako na magiging pabor ang desisyon ng mga justices dahil ito ay para sa kabutihan at kapakanan ng ating bansa at taongbayan," pinunto ni Hagedorn.

Sa pahayag ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) at kaalyado nitong Sigaw ng Bayan coalition, inihayag nito na ang mga pagbabago ngayon ay nagpapakita lamang na nauunawaan na ng mamamayang Filipino kung bakit kinakailangan magkaroon ng Cha-Cha.

Ayon naman kay Sarangani Gov. Rene Miguel Dominguez, marami sa mga lokal na opisyal, kabilang na siya, ang nagtiyaga at naghirap para ihatid sa publiko ang tunay na kahulugan at kahalagahan sa pagsulong ng People’s Initiative.

Tinukoy din nina Binalonan, Pangasinan Mayor Ra-mon Guico Jr. at Amb. Donald Dee, pangulo ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), ang magiging resulta ng Cha-Cha na palakasin ang local at fiscal autonomy na siyang magbibigay-daan para sa pagsasagawa ng sarili nilang mga proyektong pampaunlad.

Sinuportahan naman ito nina Francis Chua ng Federation of Fil-Chinese Chambers of Commerce, TUCP sec-gen Alex Aguilar at Efren de Luna ng ACTO. (Rudy Andal)

Show comments