GMA kinastigo ng Senado

Kinastigo kahapon ng Senado ang Palasyo matapos kumpirmahin ni Presidential Spokesman Ignacio Bunye na sisimulan ng siyasatin ng Department of Justice (DOJ) si Sen. Jamby Madrigal dahil sa pakikipagpulong nito kay Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison sa Utretch, The Netherlands.

Ayon kina Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. at Sen. Rodolfo Biazon, kung mayroong sapat na ebidensiya ang pamahalaan ay magsampa ito ng kaso laban kay Sen. Madrigal na sinasabi nilang ‘nagtaksil’ sa bayan matapos makipagpulong kina Joma Sison at NDF chief negotiator Luis Jalandoni.

Sinabi ni Sen. Pimentel, bagama’t sinusuportahan nila ang panawagang pagbibitiw ni Mrs. Arroyo o ang pagpapatalsik dito sa pamamagitan ng impeachment process ay hindi nangangahulugan na lumalabag sila sa Konstitusyon dahil hindi nila sinusuportahan ang anumang bayolenteng hakbang.

Ayon naman kay Sen. Biazon, karapatan at tungkulin ng sinumang mambabatas na makipag-negosasyon para sa usaping pangkapayapaan subalit hindi nangangahulugan na sinusuportahan nito ang hakbang ng isang grupo tulad ng CPP-NPA-NDF na nais pabagsakin ang Arroyo government sa pamamagitan ng violence.

Napag-alaman naman mula sa tanggapan ni Senate Secretary Oscar Yabes na walang basbas ng liderato ng Senado ang ginawang pakikipagpulong ni Madrigal sa NDF at wala itong travel order para magtungo sa The Netherlands kundi para lamang sa Geneva, Switzerland ang inaprubahan ni outgoing Senate President Franklin Drilon.

Inakusahan naman ng Palasyo si Madrigal ng ‘betrayal of public trust’ nang lumagda ang mambabatas sa isang joint communique sa CPP-NDF para hilingin kay Mrs. Arroyo na ipagpatuloy ang peace talks nito sa rebeldeng komunista.

Ayon naman kay Justice Secretary Raul Gonzales, ang ginawa ni Madrigal ay malinaw na pagtatraydor sa bayan kaya dapat lamang na imbestigahan ito mismo ni outgoing Senate President Drilon.

"Sen. Madrigal had, in effect, committed acts tantamount to treason punishable under article 137 of the revised penal code by adhering to the enemies of the state or giving them aid or comfort," wika pa ni Sec. Gonzales.

Iginiit naman ni NDF chief negotiator Jalandoni sa Arroyo government na ipagpatuloy nito ang peace talks sa hanay ng rebeldeng komunista sa halip na isulong ang all-out-war laban sa communist movement sa Pilipinas. (Rudy Andal, Lilia Tolentino, Grace Dela Cruz at Joy Cantos)

Show comments