6% EVAT sa kuryente ipapataw na

Panibagong sakit sa bulsa ang kakaharapin ng mga maybahay matapos na maaprubahan ang ipapataw na 6% Expanded Value Added Tax (EVAT) na mararamdaman sa susunod na electric bill.

Sinabi ni Energy Regulatory Board Commission (ERC) chief Rodolfo Albano na siniguro nila ang maayos na komputasyon ng ipapataw na EVAT sa electricity sector.

Mapapatawan ng 6.06% ang lahat ng mga residential na aabot sa 50 Kwh o kabuuang P11.48 habang tataas naman sa 6.73% ang lahat ng mga gumagamit ng 100 Kwh, 200Kwh (5.97%), 300-400 Kwh (6.96%), 500-600Kwh (6.95%) at ang gumagamit ng 700Kwh ay mapapatawan ng 5.94% o kabuuang P437.38.

Ang nabanggit na kompyutasyon ay tinanggalan na ng 2% national franchise tax.

Sa ngayon ay mula 6%-6.97% lamang ang EVAT sa electricity sector kung saan inaasahang tataas ito sa 8-9% sa susunod na taon para sa mga residential consumers sakaling maipatupad na ang 12% EVAT. Habang aabot naman sa 7.5% ang maipapataw sa mga Industrial Users.

Nilinaw ng ERC na ikinunsidera naman ng kanilang ahensiya ang mga VAT-zero rated transaction kaya hindi naging masyadong mataas ang karagdagang VAT. (Edwin Balasa)

Show comments