Humihingi ng katarungan ang nasabing Pinay na nakilalang si Grace Castillo, 30, tubong Subic, Zambales dahil sa pagmamalupit ng kanyang amo na si Dr. Mohamed Mohammed Nihad Gouma matapos na bayaran lamang ng 500 dirhams katumbas ng P7,646 para sa kasong grave physical injuries na isinampa nito noong Hunyo 28, 2005.
Naganap ang insidente nang agawin ni Gouma ang hawak na telepono ni Castillo habang may kausap ito at mabilis na ipinalo sa noo nito sa loob ng klinika ng doktor sa Comprehensive Medical Centre sa Crown Plaza sa Dubai.
Ayon sa Migrante Sectoral Party, mabilis ang naging hatol ng korte sa isinampang grave physical injuries ni Castillo laban sa kanyang employer at dahil sa hindi siya natulungan ng Philippine Consulate para magkaroon ng legal counsel ay tila sampal sa kanya ang 500 dirhams na kabayaran.
Sinampahan pa ni Castillo si Gouma sa UAE Ministry of Labor noong Hulyo 6 dahil sa hindi pagbibigay ng kanyang sahod ng ilang buwan. Nakatakdang dinggin ngayong araw sa Dubai Court ang naturang kaso.
Nananatili pa sa nasabing bansa si Castillo at posibleng ipatupad na ang ban sa kanya sa susunod na buwan. (Ulat ni Ellen Fernando)