P500 pension ng veterans pinadadagdagan

Hindi na sapat ang P500 monthly old-age pension na tinatanggap ng mga beteranong Pinoy kaya nais ng isang mambabatas na dagdagan ito.

Ayon kay La Union Rep. Tomas Dumpit, hindi sapat ang P500 kada buwan na itinutulong ng gobyerno sa mga war veterans.

Kung kukuwentahin aniya, tumatanggap lamang ng nasa P16 isang araw ang isang beterano na hindi sapat para sa isang araw na pagkain o ipambili ng isang kilong bigas.

Ang P16 kada araw sa pensiyon ay maikukumpara sa food allowance na inilalaan ng gobyerno para sa mga convicted criminals sa national penitentiary at iba pang bilangguan sa bansa.

"Mabuti pa ang mga convicted criminals may sariling tirahan. Libre ang tubig at kuryente pero ang mga Filipino veterans ay nakakakuha lamang ng P16 isang araw," ani Dumpit. Hindi aniya ito sapat para ibili ng gamot katulad ng antibiotic.

Nais ni Dumpit na dagdagan ng P500 ang kasalukuyang P500 na pensiyon at itataas ng P500 kada taon sa loob ng susunod na 5 taon sa sandaling maging isang ganap na batas ang panukala nito.

Sa kabila aniya ng kabayanihan ng mga beterano, ay napapabayaan naman ang mga ito ng gobyerno at namamatay na lamang nang hindi nakakatanggap ng anumang tulong. (Ulat ni Malou Rongalerios)

Show comments