PCDO-ACTO magtatayo ng sariling gasolinahan

Dahil sa hindi mapigil na oil price hike, nakatakdang boykotin ng Philippine Confederation Drivers Operators-Allianced of Concerned Transport Organization (PCDO-ACTO) ang tatlong malalaking kompanya ng langis at magtatayo na lang umano sila ng sariling gasolinahan sa iba’t ibang lugar ng kamaynilaan.

Ayon kay Efren de Luna, presidente ng PCDO-ACTO, nakatakda silang magtayo ng kanilang sariling gasoline stations sa bawat terminal ng kanilang samahan sa QC, Mandaluyong City, San Juan, Pasig City at Rizal kung saan susuportahan ito ng Philippine Oil at Flying V, mga kilalang gasolinahan sa bansa.

Ayon pa kay de Luna, lahat ng miyembro ng PCDO-ACTO ay makakatanggap ng .60 sentimos na diskuwento sa presyo ng krudo at puwede ring makakuha ng Philhealth Insurance card at scholarship plan para sa mga anak nila.

Dadag pa ni de Luna, kada litro na naibebenta ng kanilang gasoline station ay mayroon silang 20 sentimos kada litro na komisyon.

Sa laki anya ng matitipid at makukuha ng grupo ay wala nang dahilan para maglagay pa sila ng gasoline sa Caltex, Petron at Shell.

Matatandaang itinaas kahapon ng Caltex, Shell at Petron at iba pang small players sa bansa ng 50 sentimo kada litro ang halaga ng gasolina at krudo dahil hindi na umano kayang kontrolin ng gobyerno ang problema.

Bunsod nito, umaabot na sa P19.85 ang halaga ng krudo bawat litro at P26.65 kada litro ang gasolina.

Kaugnay nito, nilinaw ng pamunuan ng Federation of Jeepney Operators Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) na hindi sila magboboykot sa kanilang pamamasada.

Ayon kay Zeny Maranan, pangulo ng Fejodap, wala silang plano na magsagawa ng tigil-pasada at wala din silang planong humingi ng dagdag pasahe dahil ang maliliit na mamamayan lamang ang maaapektuhan ng naturang hakbang.

Gayunman, sinabi ni Maranan na kung sakaling tumaas pa ang halaga ng mga produktong petrolyo sa kalagitnaan ng buwan ng Agosto, malamang dito na sila humirit ng panibagong taas sa pasahe. (Ulat ni Edwin Balasa/Angie dela Cruz)

Show comments