Kinilala ni Foreign Affairs spokesperson Julia Heideman ang OFW na si Rodrigo Reyes, 52, tubong Rizal, truck driver ng First Kuwaiti Trading Co. na nakabase sa Kuwait. Bukod kay Reyes, dalawa pang kasamahan nito na pawang dayuhan ang nasawi rin sa insidente.
Ayon kay Heideman, papauwi na sa Kuwait si Reyes habang minamaneho nito ang isang truck na pag-aari ng naturang kumpanya matapos mag-deliver sa Baghdad nang hagisan ng rocket-propelled grenade at paulanan ng AK-47 noong Abril 28 dakong alas-2 ng hapon ng mga Iraqis malapit sa Camp Anaconda at Camp Victory.
Inatasan na ni DFA Sec. Delia Albert ang Philippine Embassy sa Kuwait na agarang iproseso ang repatriation ng nasabing biktima.
Pinayuhan naman ni Heideman ang iba pang Pinoy na iwasang maglakbay sa pamamagitan ng land sa Iraq dahil delikado ito bunga ng mga posibilidad na itinanim na bomba at pananambang.
Base sa rekord, 4,000 Pinoy ang nasa Iraq at kasalukuyang nasa US military camp para sa kanilang seguridad.
Bagaman may tensiyon pa sa nasabing bansa, walang ipatutupad na mass evacuation ang pamahalaan sa mga Pilipinong manggagawa at mananatili ang may 51 humanitarian contingent doon. Gayunman, suspendido muna ang pagpapadala ng OFWs. (Ulat ni Ellen Fernando)