Hindi akalain ng mga tabloid reporter na maliit pala ang tingin ni Sen. Sotto sa mga taga-tabloid at ang gusto lamang nitong makausap ay ang mga taga-broadsheet at TV reporters.
Ito ay matapos bansagan ni Sotto ang mga tabloid bilang pang-pornong pahayagan.
Hihingan sana ng reaksiyon ng mga Senate reporters ang panig si Sotto bilang spokesman ng KNP hinggil sa naglabasang negatibong balita tungkol kay FPJ, partikular ang pag-amin ni Da King na may anak ito sa labas kay Ana Marin.
Subalit sa halip na sagutin ang isyu ay nilait nito ang mga maliliit na diyaryo at ginamitan ng terminong "utak tabloid" daw ang mga gumawa ng paninira kay FPJ.
Nang malaman naman ni Sotto ang batikos sa kanya ng mga tabloid reporters ng ibalita ito sa RMN radio ay biglang tumawag ang senador at itinangging nilait niya ang mga tabloid reporters.
Ikinatwiran ng mambabatas na inaangat pa umano nito ang mga tabloid at dapat daw gayahin ang mga ginawang pagsasaliksik sa pagbabalita.
Pero nanindigan ang mga reporter na nakatikim ng panlalait na talagang inalipusta ni Sotto ang tabloid.
Magugunita na kamakailan ay sinigawan naman ni FPJ ang mga nag-iinterview dito dahil sa sunud-sunod na tanong ng dumalo ito sa kaarawan ng kanyang runningmate na si Sen. Loren Legarda sa Century Park Sheraton. (Ulat ni Rudy Andal)