Ayon kay Senador Vicente Sotto III, kahit na burahin ni Manapat ang laman ng central processing unit at sunugin ang ilang bundles ng dokumentong dinala nito mula sa kanyang tanggapan ay hindi pa rin siya makalulusot dahil hawak ng isa sa tatlong testigo ang diskette na naglalaman ng kanilang ginawang pandodoktor sa birth at marriage certificates ni Allan Fernando Poe.
"Nakapagtabi sila ng kopya. Isa sa kanilang tatlo, nakapagtabi ng kopya nung dinoktor bago i-xerox," sabi ni Sotto.
Sa tamang panahon ay ilalabas din nila ang nilalaman ng diskette na ito upang maidetalye kung paano nila dinoktor ang birth certificate ni Poe Sr. at ang marriage contract nito kay Paulita Gomez, sa utos umano ni Manapat.
Matatandaan na noong isinalang sa pagdinig ng Senado si Manapat ay ibinunyag nina Remmel Talabis, Emman Llamera at Vicelyn Tarin na inutusan sila ni Manapat na doktorin ang mga dokumento laban sa ama ni FPJ nang sa kalaunan ay gagamitin palang basehan sa disqualification nito sa Comelec.
Matapos mabisto si Manapat sa Senado, kinabukasan ay bumalik ito sa National Archives ngunit binitbit ang dalawang bundle ng notarial document mula 1939 hanggang 1940 pati na ang CPU ng computer na ginagamit nito. (Ulat ni Rudy Andal)