Ito ang inihayag kahapon ni Justice Usec. Jose Calida, kung saan tiniyak nito na tutulong ang kagawaran na magsagawa ng pagsisiyasat sa tunay na lahi ni FPJ.
Aniya, bukas ang pinto ng DOJ sa sinumang complainant na nais magsampa ng reklamo laban sa pagkatao ni FPJ o alamin ang tunay na citizenship nito.
Aatasan ni Calida ang National Bureau of Investigation (NBI) upang magsagawa ng imbestigasyon.
Samantala, mariing itinanggi kahapon ni FPJ na siya ay isang American citizen.
" I am a Filipino. Alam ko, Pinoy ako," pahayag ng actor matapos na isampa kamakalawa ni Atty. Victorino Fornier ng Pasay City ang disqualification complaint nito laban sa action king sa Commission on Elections (Comelec).
Iginiit sa petisyon ni Fornier na si Poe ay isang American citizen dahil ang ina nito na si Elizabeth "Bessie" Kelly ay isang American citizen. Ang ama naman nito ay isang Spanish.
Iginiit sa petisyon na bago pa nagsama at nagpakasal sina Bessie Kelly at ama ni Poe na si Allan F. Poe ay kasal ang huli sa isang Paulita Gomez na hanggang sa ngayon ay hindi pa napapawalang-bisa. Dahil dito, lumalabas na isang illegitimate child si FPJ.
Gayunman, iginiit ni FPJ sa isang interview na lehitimo siyang anak dahil kasal ang kanyang inang si Kelly at ama. (Ulat nina Grace dela Cruz/Rudy Andal/Ellen Fernando)